Ano ang dapat gawin kapag nagtatae ang bata?

lead image

Normal lang ang pagkakaro'n ng diarrhea lalo sa mga bata. Ang sikreto para makaiwas sa dehydration at iba pang komplikasyon.

Perwisyo naman talaga ang pagtatae. Lalo naman kapag batang paslit, nakakaawa dahil nakapanghihina ang sakit na ito. Ang mahalaga ay malaman ng mga magulang ang dapat gawin at tamang gamot sa pagtatae ng bata. Kapag tumagal din kasi ang pagtatae, maaaring ma-dehydrate ang bata at tuluyang manghina.

Ang diarrhea ay ang paraan ng katawan para harapin ang ilang pagkaantala sa gastrointestinal system. Tipikal na nararanasan ito ng kahit sino, bata man o matanda, ng hanggang dalawang beses sa isang taon. Loose Bowel Movement o LBM ang karaniwang tawag dito, dahil nga matubig ang dumi at madalas ang punta sa banyo, na tumatagal ng 2 hanggang 3 araw sa kabuuan. Sanhi ito ng virus na pumapasok sa digestive system, paliwanag ni Apple Tagatha, RN, isang school nurse. Tinatawag din itong "intestinal flu" o "stomach flu.”

Ilan pang mga bagay na nagiging sanhi ng pagatatae ay ang allergy sa ilang pagkain, o di kaya ay kapag nakakain ng pagkaing hindi kasundo ng iyong digestive system, impeksiyon dahil sa bacteria (o ang karaniwang tinatawag na “food poisoning”), at labis na paggamit ng laxative at iba pang gamot tulad ng antibiotic, na hindi din kasundo ng tiyan ng may sakit. Sa ilang pagkakataon, maruming tubig ang pinagmumulan.

May mga kaso din ng pagtatae (sa matatanda) dahil sa alcohol o substance abuse, diabetes, hyperthyroidism, radiation therapy at ilang kanser. Mayro'n ding nagkakaro'n ng pagtatae pagkatapos makaranas ng constipation, dahil sa paggamot nito, dagdag ni nurse Apple.

Karaniwang sintomas ng pagtatae

Bukod sa nasabi nang pagtatae o madalas na pagdumi ng matubig, may nakakaranas din ng paglaki, pananakit, at paninigas ng tiyan (na para bang kumukulo sa loob), pagkahilo, at pagsusuka.

Kapag malala, may nakikitang dugo o mucus sa dumi, mabilis na pagbaba ng timbang, at mataas na lagnat.

Kailan dapat maalarma?

Kapag baby ang may sakit, dalhin agad sa doktor kapag nakitang halos maitim ang ihi, at hindi halos umiihi. Para sa mga bata, kapag mabilis ang heart rate, masakit ang ulo, nanunuyo ang balat, iritable at iyak ng iyak, at balisa, dapat nang dalhin sa doktor.

Ano ang mabisang gamot sa pagtatae ng bata?

Importante na manatiling hydrated ang bata kapag nagtatae. Karaniwan na ibinibigay ang oral rehydration solution (ORS), katulad ng Pedialyte para mapigilan ang dehydration at mapalitan ang nawawalang electrolytes ng katawan. Binibigyan din ng probiotics ang mga bata, katulad ng Erceflora, para magkaroon ng good bacteria sa tiyan ng bata.

Kung hindi malala ang kondisyon, karaniwang may mga over-the-counter medicine na gamot sa pagtatae ng bata, liquid man o tableta, tulad ng bismuth subsalicylate (Pepto-Bismol) o loperamide (Imodium), ayon kay nurse Apple. Ngunit depende ito sa reseta ng duktor.

Tandaan: kumonsulta muna sa pediatrician bago bigyan ng kahit na anong gamot sa pagtatae ng bata—mas lalo na kung pagtatae ng baby (below 1 year old) ang ginagamot.

4 Bagay na Makakatulong Maibsan ang Perwisyo ng Pagtatae ng Bata

  1. Inom lang nang inom. “Stay hydrated”, ika nga. Bata man o matanda, siguraduhing uminom ng sapat na tubig sa maghapon dahil nakaka-dehydrate ang pagtatae. Sinasabing hindi bababa sa 6 na 8-ounce na baso ng tubig o clear fluids ang kailangan kada araw ng mga nakakaranas ng pagtatae. Sa unang 24 oras, puro liquid muna ang ipasok sa katawan. Siguraduhing malinis ang tubig (hindi galing sa gripo!), at uminom din ng mga fruit juice na walang pulp, mainit na sabaw, at decaffeinated soda. Kapag mas matatanda na, pwede na ang tea na may honey at sports drink dahil may electrolytes ito, at may taglay na balanseng sugar at salt na kailangan ng katawan, ayon kay Rod Brouhard, EMT-P (Emergency Medical Technician-Paramedic), sa kaniyang artikulo sa  VeryWellHealth.com.Pwede ring gumawa ng sariling inumin: ihalo lang ang isang kutsaritang asin sa isang quart ng apple juice. Madalas na binibigyan ng mga doktor ng electrolyte solution tulad ng Pedialyte ang mga bata. Makakatulong din ang sabaw ng manok, basta’t walang taba.Iwasan ang pag-inom ng alcohol, caffeine, sugary drinks at gatas o dairy products, lalo na ang ice cream. Maaaring lumala ang mga sintomas kung iinom ng gatas, dahil minsan ay nagiging sanhi ng temporary lactose intolerance ang pagtatae. Iwas din sa malalamig na inumin. Mas makakatulong ang nasa room temperature lang dahil mas maaabsorb ng sistema.
  2. Magtiis muna sa matabang na pagkain, pansamantala. Subukan ang mga bland na pagkain tulad ng saging, kanin, tinapay (na walang palaman), at applesauce. Ito ang tinatawag sa Amerika na BRAT diet (banana, rice, applesauce, toast), na minsan ay dinadagdagan pa ng tea. Hindi naman kailangang ito lang ang kainin, pero ang mga pagkaing tulad nito ay makakatulong nang malaki. Paalala lang ni nurse Apple, ang saging ay hindi nirerekumenda sa mga batang nagsusuka. Makakabuti rin ang plain oatmeal, mashed potatoes (walang galong gatas at butter) at plain crackers, pati ang pinakuluang manok o turkey (walang anumang timpla).Iwasan ang mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng brown rice at bran, pati mga oily at matatamis na pagkain. Nakakapagpalala din ng pagtatae ang ilang prutas (berries) at hilaw at berdeng gulay, maaanghang na pagkain, beans, cauliflower, mais at cabbage.
  3. Subukan ang Probiotics. Hindi lang masustansiya ang probiotic yogurt, kundi nakakatulong pa ito na matigil ang pagtatae. Ayon sa mga pagsasaliksik, nakakatulong ang yoghurt lalo kapag hindi malala ang pagtatae. Ang probiotics ay live microorganisms na nagbibigay ng “good” bacteria at nakakatulong sa intestinal tract. Pinoprotektahan nito ang bituka laban sa mga impeksiyon. Maliban sa yoghurt, taglay din ito ng ilang pagkain tulad ng ilang keso (soft cheeses, cottage cheese), dark chocolate, green olives, kimchi, sauerkraut, miso, pickles, at sourdough bread.
  4. Magpahinga, at maligo. Kung may bath tub kayo sa bahay, ang pagbababad ng ilang minuto sa maligamgam na tubig ay makakatulong na maibsan ang pananakit na dulot ng pagtatae. Maaari kasing mairita ang puwet dahil na nga sa palaging paghuhugas. Bata man o matanda, masarap na magbabad sa tubig para marelax at mawala ang pagkatuyo o anumang rash na mabubuo. Huwag kuskusin ng tuwalya ang puwet ni baby. Dahan-dahang dampian ng tuyong tuwalya, at pahiran ng cream (SudoCreme o petroleum jelly, halimbawa) ang apektadong bahagi, at ipahinga panandalian mula sa disposable diaper, para hindi kulob at pawis.

Minsan, kailangan lang talagang hintayin na gumaling at tumigil ang pagtatae. Madalas ay gumagaling ito ng kusa. Kapag nailabas na ng katawan ang lahat ng masamang toxins o bacteria, kusang babalik sa normal ang bowel movement.

Puwede rin itong gamutin ng mga over-the-counter medicine. Pero dapat tandaan na iba gamot sa pagtatae ng bata, gamot sa pagtatae ng baby, at gamot sa pagtatae ng matatanda. Sa mga bata at sanggol, pinapayong iwasan ang pagbibigay ng mga gamot, maliban na lang kung nireseta ito ng doktor.

Ang malalang kaso ng pagtatae o iyong tumatagal ng isa hanggang dalawang linggo, ay sintomas ng mas malalang kondisyon, paliwanag ni Stephen Bickston, MD, professor ng internal medicine at director of the inflammatory bowel disease program at Virginia Commonwealth University Health Center in Richmond, sa isang artikulo sa Everyday Health.

At tulad ng anumang sakit, mas mabuting ikunsulta sa doktor, lalo kapag bata, para mabigyan ng tamang medical care, lalo na kung malalang kaso ng pagtatae, para masiguradong ligtas ang bata at hindi ito sintomas ng mas malalang sakit.

 

Basahin:

Gamot para sa kabag ni baby

10 home remedies para sa kabag ng baby