Handa ka na ba para sa araw ng iyong panganganak? Inilista namin para sa ‘yo ang mga kailangan mo sa panganganak, lalo na sa iyong hospital bag.
Sa dami ng dapat alalahanin at asikasuhin sa araw na pinakahihintay—ang D-day, o delivery day ng iyong sanggol, maaaring makalimutan pa ang mga maliliit, ngunit mahalagang gamit na kakailanganin sa ospital.
Kung malapit na ang iyong due date, maaaring nagtataka ka kung mayroong mga bagong patakaran sa panganganak sa mga ospital dala ng pag-iingat sa Covid-19. Mayroon bang mga dapat dalhin na hindi kailangan dati? O kaya naman mayroong bang mga bagay na bawal nang dalhin ngayon? Ano ang mga gamit ng baby sa hospital na dapat mong dalhin?
Mga kailangan sa panganganak: Ngayong panahon ng pandemya, anong dapat ilagay sa maternity bag?
Hindi nakakapagtaka na naging mas mahigpit ang mga ospital ngayon upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa. Mula sa mga doktor, nurse at hospital staff, pati na rin ang mga pasyente – kabilang na kayo ng magiging baby mo.
Bagama’t marami na ang nabakunahan sa ating bansa, naririyan pa rin ang panganib dulot ng COVID-19. Kaya naman may mga protocol pa rin na dapat sinusunod ang mga pasyente sa ospital. Lalo ang mga inang manganganak.
Bilang pag-iingat, karamihan sa mga ospital sa bansa, iisa na lang ang pinapayagang kasamang bantay kapag manganganak, at ang taong iyon ay dapat malakas at walang sakit.
Dahil rito, ang buntis at ang kaniyang kasama (asawa o kamag-anak na mangbabantay) ay dapat magpakita ng RT-PCR test na may negatibong resulta bago mai-admit sa ospital para manganak.
Marahil ay mananatili ka lang sa loob ng iyong kwarto habang
nagle-labor, at kapag nakapanganak ka na at malakas naman kayong mag-ina, malamang ay hindi na rin kayo hahayaang manatili pa sa ospital nang mas mahabang panahon, para na rin maiwasang ma-expose kayo sa ibang pasyenteng may sakit.
Subalit bagamat mayroong mga nabago sa mga patakaran ng ospital, wala namang masyadong pinagbago sa mga bagay na dapat dalhin o kung ano ang dapat ilagay sa maternity bag. Kailangan pa rin ng mga essentials ng mag-ina, bagamat maaaring mas kaunti lang kaysa dati.
Kaya para maging komportable ang iyong pananatili sa ospital at mabawasan ang pag-aalala lalo na kapag kapapanganak mo lamang, mas mabuting maihanda na ang maternity hospital bag ng dalawang buwan bago pa ang iyong due date.
Mga dapat dalhin sa panganganak: Gamit ng newborn baby sa hospital bag
Ano ang dapat ilagay sa maternity bag o hospital bag?
Tandaan, kapag nakapasok na kayo sa ospital ni mister o ng iyong kasama, mahihirapan na kayong lumabas pa. Maaring hindi rin papasukin ang mga bisita o mag-abot ng mga karagdagang gamit. Kaya naman hangga’t maari, siguruhing kumpleto na ang gamit niyo ni baby.
Narito ang ilang bagay na hindi dapat makalimutang dalhin sa ospital sa araw ng panganganak.
Larawan mula sa Shutterstock
-
RT-PCR Results mo at ng iyong kasama
Malamang ay ipapaalala sa iyong ng iyong OB-Gynecologist ang mga bagay na dapat mong gawin kapag malapit ka nang manganak.
Napakahalaga na bago pumunta ng ospital ay sumailalim ka na sa isang Covid-19 RT-PCR test o swab test para maging mas mabilis ang proseso ng pagpasok mo sa ospital. Siyempre, mas maganda kung negative ang resulta ng test.
Mas ligtas rin kasi ito para sa’yo. Kung biglaan ang iyong pagpunta sa ospital at wala kang dalang RT-PCR results, maaari kang ilagay sa area ng mga Covid-19 positive patients na buntis din kagaya mo.
Tanungin mo rin ang iyong OB-GYN kung ano ang proseso para sa pag-admit sa iyo kapag manganganak ka na para mapaghandaan mo ito.
Para sa karagdagang impormasyon para rito, basahin ito.
-
Mga personal na gamit ni Mommy, lalo na ang tsinelas, robe, at pantulog
Magdala ng isa o dalawang damit na pambuntis, pang-alis at pambahay, tuwalya para sa katawan at mukha, at mga underwear. Kailangan mong maging komportable pero maayos kahit papaano.
Piliin mo rin ang mga damit na may “easy access” sa iyong dede dahil pagkatapos mong manganak, ang pagpapadede na ang gagawin mo.
Kung importante sa iyo na magmukhang presentable kapag may papasok sa inyong kuwarto, puwede ka namang magdala ng maliit na make-up kit.
-
Damit niyong mag-ina sa pag-uwi
Siyempre pa, mas magandang handa ang ina at sanggol sa mga kukuha ng litrato sa mahalagang araw ng pag-uwi mula sa ospital. Mula ulo hanggang paa: bonnet, damit, medyas at mittens, swaddling blanket, lampin at disposable diapers para sa sanggol, at presentableng damit at komportableng sapatos para sa ina.
-
Camera, cellphone at mga baterya at charger
Ito ang isa sa mga pinakamahalagang araw sa buong buhay ng sanggol at ina, kaya’t hindi maaaring hindi kuhanan ng litrato at video ang lahat ng pangyayari.
Siguraduhing naka-charge lahat ng cellphone at baterya ng camera. Gayundin, baka gusto mo na ring dagdagan ng maliit na tripod para makakuha ka pa rin ng litrato kahit kayo lang ni baby ang nasa kwarto.
Tulad ng toothbrush, toothpaste, sabon, shampoo, conditioner, moisturizer, hand sanitizer, wet wipes, salamin, at iba pang karaniwang ginagamit sa pang-araw araw. Magdala na rin ng para sa buhok tulad ng suklay, headband, o pantali.
Pagkatapos manganak, maaring pagsuotin ka ng adult diapers dahil sa vaginal bleeding na karaniwan sa mga bagong-panganak. Kung ayaw mo nito, maaari kang magdala ng sariling pack ng sanitary napkins (heavy flow, para sigurado). Kung scheduled cesarean delivery ang mangyayari, huwag ring kalimutang ang iyong abdominal binder.
Kapag nanay ka na, may mga sandaling makakalimutang mong alagaan ang iyong sarili, pero hangga’t maaari ay huwag kaliligtaan ang iyong personal hygiene na importante para makaiwas sa sakit.
photo: All4Kids Facebook page
Syempre, hindi dapat kalimutan ang mga gamit ni baby. Hindi kailangang magdala ng marami, pero siguruhing magiging komportable ang iyong sanggol at hindi mo makakalimutan ang mga bagay na kailangan niya tulad ng:
-
- 5 hanggang 7 damit ni baby (newborn size)
- 2 hanggang 3 damit na mas malaki ng kaunti sa infant size, sakaling malaki ang sanggol
- 2-3 bonnet o takip sa ulo
- 1 pack ng disposable diapers (newborn size)
- 2-3 lampin
- 1 pack ng baby wipes
- 2-3 baby blanket (may hood)
- mittens at medyas ng sanggol (optional)
- cotton buds, alcohol (itanong sa pediatrician kung anong klase), baby oil
- gamit pangligo ng baby gaya ng towel, washcloth, baby wash at shampoo, cotton
Ito ang tawag ko sa isang ‘di kalakihang bag na naglalaman ng mga gamit na sa tingin ko ay makakatulong sa oras ng paghihintay sa aktwal na paglabas ng sanggol, o oras ng labor.
Depende ito sa gusto o hilig ng ina: mga gadgets tulad ng tablet o MP3 player, libro, unan, kumot, massage oil, at iba pang gamit na importante sa ‘yo, o makakapag-aliw sa oras ng paghihintay.
-
Wallet na may lamang konting cash at barya
Ipahawak sa asawa o sinumang mapagkakatiwalaan ang iyong checkbook o credit card para hindi mawala. Pati na rin ang iyong ID at health insurance card.
-
Pagkain para sa iyo ng iyong kasama
Siguradong pagkatapos ng lahat ng hirap, gugustuhin mong bigyan ng reward ang sarili. Bakit hindi magdala ng paborito mong tsokolate, polvoron, cereal, o kahit anong makakain na hindi nasisira agad o napapanis.
Pagbaunan mo rin ng pagkain ang iyong asawa o kasamang magbabantay sa iyo sa ospital, upang maiwasan nang lumabas pa siya at madagdagan pa ang kaniyang exposure sa ibang sakit.
Tandaan, kapag nakalabas na si baby, kakailanganin niyo ng maraming energy. Kaya kumain kayo nang tama. Lalo ka na kung may balak kang magpadede. Magdala rin ng water bottle.
-
Mga importanteng dokumento
Bukod sa negative RT-PCR test results, dalhin ang kopya ng marriage certificate (kung mayroon), ID, impormasyon sa health insurance, SSS, PhilHealth, at iba pa. Ilagay ang mga ito sa isang binder o envelope. Para hindi na mahirapan ang iyong kasama na hanapin ang bawat isa.
Kung may plano ang ina na mag-breastfeed, kailangang maghanda ng isang kit na naglalaman ng breast pump, nursing bra, nipple cream, nursing pads, nursing pillow at ice pack. May mga nabibili na ring nursing covers, o telang tatsulok na ginagamit na pantakip tuwing nagpapadede.
Hindi madaling magpadede, kaya naman hangga’t maari ay maging komportable ka para mabawasan ang iyong stress. Dahil ipinagbabawal na ang pagdadala ng formula at feeding bottles sa mga ospital, mas mapipilitan kang magpadede.
Pero may mga ospital na pinapayuhan ang mga magulang na magdala ng expressed breast milk. Upang masigurong hindi magugutom ang kanilang anak habang naninibago pa sila sa pagpapadede.
Maaring magbigay ang ospital ng mga face mask at alcohol para sa mga taong lalabas at papasok sa inyong silid. Pero para makasiguro, pwede ka na ring magdala ng mga ito. Mas mabuting maging maingat upang makaiwas kayo ni baby sa mga sakit.
May mga ibang gamit na maaari pang idagdag dito. Pero iyon ay depende na rin sa kung ano ang makakapagpanatag ng loob ng pamilya, lalo na ng ina.
Hindi naman kailangang mamahalin ang mga gamit. Pero mas mabuti kung kumpleto ang mga ito. Lahat ng nasa listahang ito ay ang pinakamahalaga na dalhin. Siguradong makakatulong sa maayos na panahong gugugulin sa ospital ng mag-ina.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa mga bagay na dapat ilagay sa iyong maternity bag at listahan ng gamit ni baby, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!