Paano patulugin ang baby ng kusa? Kung ito ang isa sa pinoproblema mo Mommy o Daddy, may mga paraan kang maaring gawin para matulungan siyang matutunan ito.
Paano patulugin ang baby ng kusa?
Bilang mga magulang, bagamat mahirap sa umpisa, mahalaga na maturuan natin ang ating mga anak na matulog ng kusa o nakahiwalay sa sarili nilang kama. Dahil maliban sa binibigyan natin sila ng mas komportableng sleeping environment, mas nagkakaroon rin sila ng mas malawak na lugar na kung saan puwede silang matulog ng iba’t-ibang posisyon.
Sa ganitong paraan rin ay natuturuan natin sila ng mga abilidad at katangian na magagamit nila sa kanilang paglaki at sa pagharap sa pang-araw-araw nilang buhay. Tulad nalang ng pagiging confident at independent kahit wala ka sa tabi nila.
Pero paano nga ba matuturuan ang iyong anak na matulog ng kusa at nakahiwalay sayo? At kailan ang tamang panahon o edad niya upang gawin ito.
Ayon sa sleep specialist at pediatric pulmonologist na si Dr. Dennis Rosen, ang paraan kung paano patulugin ang baby ng kusa ay maari mong ituro sa iyong anak as early as nasa 4 months old palang siya. Bagamat paalala ni Dr. Rosen, ang epektibong pagtuturo nito sa kada bata ay naiiba base sa kanilang level of development at understanding sa mga bagay sa paligid niya.
Kaya payo niya mabuting unti-untiin itong gawin o ituro sa iyong anak. Hindi rin siya dapat i-pressure o madaliin na gawin ito. Sa halip ay ituro ito sa kaniya sa paraang mai-encourage siya at hindi niya mararamdamang lumalayo ka.
Para nga maisagawa ito ay narito ang ilang tips, ayon kay Dr. Rosen na makakatulong kung paano patulugin ang baby nang kusa o nang nakahiwalay ang kama niya.
Tips kung paano patulugin ang baby ng kusa o nakahiwalay ang kaniyang kama
1. Paglalagay kay baby o sa iyong anak sa kaniyang kama ng gising.
Ayon kay Dr. Rosen, ang unang paraan para maturuan ang iyong anak na matulog ng kusa ay ang paglalagay sa kaniya sa kama ng gising pa siya. Saka siya hayaang matulog ng mag-isa na.
Magiging epektibo kung isusunod sa isang bedtime routine na palatandaan na kailangan niya ng matulog. Tulad ng pagbabasa sa kaniya ng bedtime stories gabi-gabi o kaya naman ang pagdarasal para pasalamatan ang naging araw niya.
Sa ganitong paraan ay naituturo mo sa iyong anak ang appropriate sleeping schedule para sa mga batang tulad niya. At unti-unti mong nagagabayan siyang matulog ng mag-isa.
Tandaan lang na kapag iiwanan na siya ng mag-isa sa kaniyang kama ay siguraduhin sa kaniya na hindi mo ito ginagawa upang umalis o lumayo kaniya. Dahil imbis na makatulong sa kaniyang pagtulog ay maaring maging dahilan pa ito upang magkaroon siya ng anxiety at mas mahirapan siyang matulog ng mag-isa.
Para maiwasan ito ay makakatulong ang pagbibigay sa kaniya ng halik o goodnight kiss. Ito ang magsisilbing palatandaan ng pagmamahal mo sa kaniya bago siya tuluyang makatulog ng mag-isa.
2. Maglagay ng harang sa pintuan ng kuwarto ng iyong anak.
Para sa mga batang kaya ng tumakas sa kanilang crib o higaan, makakatulong ayon kay Dr. Rosen ang paglalagay ng harang sa pintuan ng kwarto ng iyong anak. Sa ganitong paraan ay ginagawa mong tila isang malaking crib ang kaniyang kuwarto. At napipigilan siyang basta nalang magpunta sayo o lumipat sa iyong kuwarto.
Pero paalala pa ni Dr. Rosen, sa unang pagsasagawa nito ay hindi dapat isara ang pintuan ng kuwarto ng iyong anak. Para hindi siya mag-alala na parang kinukulong o iniiwan mo siya, mainam na pagkalagay sa kaniya rito ay hayaan lang na bukas ang pinto. Saka ka maupo o puwesto sa lugar na makikita niya. Sa ganitong paraan ay panatag ang kaniyang loob na nariyan ka lang at abot-tanaw niya hanggang siya ay makatulog na ng mag-isa.
3. Pagbibigay sa iyong anak ng reward sa tuwing nakakatulog siya ng mag-isa at hindi ka katabi sa gabi.
Para sa ibang bata makakatulong naman ang pag-i-encourage sa kanilang matulog ng mag-isa sa pamamagitan ng rewards system. Simulan ito sa pagtabi sa kanilang matulog sa gabi. Saka sila iwan kapag sila ay tulog na. Pagkagising nila sa umaga ay i-recognize ang independence na kanilang nagawa. Bigyan sila ng reward na nadadagdagan pa sa tuwing sila ay nagkakaroon ng improvement sa pagtulog ng mag-isa.
Tulad nalang ng pagbibigay 1 star sa iyong anak sa tuwing siya ay nakakatulog ng katabi ka. Gawin itong 2 star kapag siya ay nakatulog ng diretso sa gabi na hindi lumilipat sa iyong kuwarto sa oras na maramdaman niyang wala ka sa kaniyang tabi. Gawin naman itong 3 star kung siya ay makakatulog na ng kusa sa gabi. At dagdag na one additional star kung magagawa niya ito ng hindi ka na katabi.
Siguraduhin lang na ang star points na ito ay katumbas ng reward o treat na magugustuhan niya. Ito ay para mas ma-encourage siyang gawin ang iyong challenge at magawa niya ito ng tama.
Ang pagtuturo kung paano patulugin ang baby ng kusa ay mahalaga para sa development ng iyong anak. Tandaan lang na sa pagsasagawa nito ay dapat mong isaalang-alang ang feelings niya. Hindi mo dapat iparamdam sa kaniya na siya ay nilalayuan o itinataboy mo sa tabi mo.
Source: Psychology Today
Photo: Freepik
BASAHIN:
Pag-iyak at hirap sa pagtulog ni baby, maaaring sintomas na ng kondisyon na silent reflux
Totoo bang mahihirapan matulog mag-isa ang anak ko kapag nasanay siya sa bed sharing?
Lullaby songs na makakatulong upang mabilis makatulog si baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!