Mahilig ka bang kumain ng gulay? Alamin rito ang mga benepisyo ng malunggay.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pinagmulan at iba’t ibang tawag sa malunggay
- Mga benepisyo ng malunggay
- Sino ang bawal kumain ng malunggay
Isa ang malunggay sa kilalang pinaka-hitik sa benepisyo para sa katawan o kalusugan ng pamilya. Mayaman sa bitamina at sustansiya ang dahon ng malunggay (kilala rin sa tawag na moringa), lalo para sa mga bata, at pati na rin sa mga mommy.
Marami nang naglalagay nito sa kanilang pagkain, at maging sa mga gamot. Hindi pa gaanong kilala o sikat ang malunggay lalo na sa mga bansa sa Kanluran, pero sa Pilipinas, nagsimula nang kilalanin ng mga nutritionist, doktor at mga paaralan ang mga benepisyo ng malunggay. Isa na itong itinutuing na “superfood” ngayon.

Ang malunggay o Moringa Oleifera ay isang tropical tree na karaniwang tumutubo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ito ay kilala rin sa mga tawag na Moringa, ben-oil tree, clarifier tree o drumstick tree sa America at mga bansa sa Kanluran, La Mu sa China, Shevaga sa Marathi at Sajina naman sa India.
Tinuturing itong miracle tree dahil sa dami na nga ng nagagamot nito bilang sangkap sa mga herbal medicine, at naitutulong nito sa kalusugan ng mga bata at mga kababaihan, kapag isinahog sa ulam.
Mga benepisyo ng malunggay
Narito ang ilang dahilan kung bakit natatawag na superfood ang gulay na ito:
1. Nakapagpalakas ng katawan.
Dahil sa siksik ito sa vitamins at sustansiya, nakakapaglalakas ito ng katawan lalo sa mga bata, na kailangang ng source of energy.
Mayroon itong taglay na protein na doble pa sa gatas, potassium na higit pa sa makukuha sa saging, vitamin A na higit pa kaysa sa carrots, at Vitamin c na pitong beses pang higit kaysa sa oranges. Kaya naman nkakatulong itong magpatibay ng immune system at labanan ang mga common bacteria.
Mayaman rin ito sa calcium, kaya nirerekomenda na kainin o higupin ang sabaw nito ng mga nanay na nagpapasuso ng kanilang sanggol, para mas maging hitik sa bitamina ang gatas ng ina.
2. Mayroon itong medicinal properties na nakakatulong sa paggamot ng diabetes, sakit ng ulo, at iba pa.
Mabisa itong nakakagamot sa sakit ng ulo, migraine, at iba pang sakit ng katawan. Napatunayan na rin ang malaking tulong ng malunggay sa pagpapababa ng blood sugar, kaya’t nakakatulong ito sa diabetes. Nilalabanan din nito ang intestinal worms o bulate sa mga bata, lagnat, at hika.
3. Nakakatulong sa metabolism.
Habang lumalaki, mabilis at aktibo ang metabolism ng mga bata. Pero kapag nagkasakit, nawawalan sila ng gana at humihina ang kakayahan ng katawan na tunawin ang pagkain para maging energy, kaya’t nakakatulong ang pagkain ng malunggay dahil sa taglay nitong sustansiya.
Mabisang pampagana at panunaw ang malunggay, dahil na rin sa taglay nitong fiber, kaya’t makakatulong sa pagbigat ng timbang at paglaki o pagtangkad, habang nakakatulong rin sa anumang digestive problem tulad ng hyperacidity at ulcer.
Kung gusto namang mabawasan ang timbang lalo na pagkapanganak, malunggay rin ang dapat isahog sa kinakain dahil sa hitik ito sa fiber. Ang mabilis na metabolism kasi ay makakatulong sa pagtunaw ng mga hindi kailangang fats o taba sa katawan.
Mayaman rin ito sa amino acids nanapapatibay ang cell development ng isang bata.
4. Masisiguro ang kalusugan ng atay at kidney.

Mayroon rin kasing detoxifying potential ang dahon ng malunggay kaya’t nakatutulong ito sa atay at kidney natin. Lalo na kung mahilig pang kumain ng mga pagkaing maalat at mga junk food, malunggay ang tumutulong na ma-detoxify ang ating katawan.
5. Mabisang panlaban sa impeksiyon.
Kilala rin ang dahong ito sa taglay nitong anti-inflammatory properties, lalo na kapag nasa powder form. Mabisang panlaban o panggamot sa ubo at sipon, at iba pang karaniwang impeksiyon sa sistema. Kabilang na rin ang pagpapahupa ng sakit at maga ng mga joints at tendons.
6. Protektado ang mga mata.
Palagi bang nakatutok at nakatitig sa electronic gadgets, computer o TV ang inyong mga anak? Ito ang pangunahing nakakasira ng mga mata o paningin.
Mayaman ang malunggay sa vitamin A, kaya’t siguradong makakatulong ito kalusugan ng mga mata. Ang ginagawa ng iba ay pinapakuluan ang dahon at iniinom na parang tsaa.
7. Nakakatulong sa paggaling ng mga sugat.
Likas ang kakulitan at kalikutan ng mga bata, kaya karaniwang nasusugatan o nagkakapasa ang mga ito. Subukang gumamit ng malunggay powder sa mga sugat, para mas madaling gumaling ito.
May mga nagtatapal din ng pinakuluang dahon nito sa mga sugat, pasa, rashes at iba pang skin irritation dahil epektibo rin itong gamot. Mayaman kasi sa vitamin A, C at E ang malunggay kaya’t nakakatulong ito sa kalusugan ng ating balat. Ito kasi ay may anti-bacterial at anti-fungal properties.
Mapapansin rin ang kagandahan ng kutis kapag madalas kumakain nito. Ginagawa itong paste para ipahid sa balat. Di na kailangang gumastos si Mommy para sa mamahaling skin care products. Dikdikin lang hanggang maging paste o cream, at ihilamos sa mukha o ipahid sa katawan, lalo sa mga tuhod at siko.
Babala: kung mayroong sugat na may nana o senyales ng matinding impeksyon, kumonsulta muna sa doktor bago ito pahiran o lagyan ng malunggay at iba pang halamang gamot.
8. Pati mood swings, napapawi o nababawasan dahil sa malunggay.
Bata man o si Mommy na bagong panganak, minsan ay moody o paiba-iba ang nararamdamang emosyonal. Ayon sa mga scientists, malaki ang natutulong ng pagkain ng malunggay para maibsan ang mood swings at anxiety ng isang tao.
9. Nakakapagpaganda ng buhok.
Mayaman rin ito sa mga bitamina at amino acids na nakakatulong sa pagkakaroon ng keratin, isang uri ng protein na pangunahing bahagi ng pagkakaroon ng malusog at magandang buhok, at mabilis na paghaba at pagtubo nito. Dagdag pa rito ang mabisang panlaban nito sa pagkakaroon ng balakubak, lalo sa mga bata.
10. Mabisang antioxidant.
Antioxidants ang kailangan para labanan ang cancer. Siksik sa antioxidants ang gulay na ito, kaya’t kung sasabayan pa ng healthy lifestyle at regular na ehersisyo, protektado rin tayo sa cancer.
11. Para sa mga mag-asawang nagpaplanong magkaanak, mabisa rin ito sa para reproductive health.
Ang dahon ng malunggay ay mayroon ring taglay na aphrodisiac properties para makatulong sa libido at pampagana sa pagtatalik. Nakakatulong rin ito na mapadami ang sperm count sa pangmatagalang panahon na pagkain nito.
Mga risk factors ng pagkain ng malunggay
Larawan mula sa Pexels
Subalit gaya ng ibang halamang gamot, mayroon pa ring katambal na risk o peligro ang pagkain ng malunggay sa ibang taong may karamdaman.
Ayon sa WebMD, may mga kemikal sa ugat, tangkay at maging sa bulaklak ng malunggay na nagdudulot para mag-contract ang uterus kaya naman hindi ito ligtas para sa mga buntis. Kaya kung ikaw ay buntis at nagpaplanong kumain ng malunggay o uminom ng malunggay capsules, kumonsulta muna sa iyong OB-gynecologist.
Gayundin, dahil nga nakakapagpababa ng blood sugar ang malunggay, kailangan ring mag-ingat ang mga taong may diabetes sa pagkonsumo nito. Kung ikaw ay may diabetes at may iniinom ka nang gamot pampababa ng iyong blood sugar, tanungin muna ang iyong doktor kung gaano karaming malunggay ang pwede mong ikonsumo, at kung pwede ka pang uminom ng malunggay capsules.
Sadyang “versatile” at napakaraming benepisyo ang malunggay. Ang sikreto lang ay ang matutong magluto ng may kasamang dahon nito, o malaman ang iba’t ibang paraan ng paggamit nito, dinikdik man, pinakuluan o ginawang powder o capsule form. Kaya isahog na ito sa mga sabaw na ihahain sa mga bata.
Isang babala: Kung gagamit ng powder form, siguruhing organic ito. Magtanong sa doktor bago uminom o magpainom ng anumang tableta o powder form ng malunggay na nabili sa iba, at hindi nanggaling sa sariling kusina o bakuran. Dahon, prutas at buto lamang ng malunggay ang ligtas kainin ng mga bata. Huwag magpapakain ng ugat nito.
Source:
PinoyRecipe, DrHealthBenefits, Healthline
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!