Halak ng baby: Mga dahilan at posibleng gamot sa halak ng baby
Isa sa mga inaalala ng mga magulang ang tunog na naririnig kapag humihinga si baby. Ano kaya ang sanhi nito? Alamin ang mga posibleng gamot sa halak ng baby.
Isa sa mga inaalala ng mga magulang ang tunog na naririnig kapag humihinga si baby. Ano kaya ang sanhi nito? Alamin ang mga posibleng gamot sa halak ng baby.
Nababahala ka ba kapag nakakarinig ng tunog kapag humihinga ang iyong anak? Maaaring mayroon siyang halak. Alamin dito ang mga klase ng tunog sa paghinga ng sanggol at mga posibleng gamot sa halak ng baby.
Bilang magulang, naging ugali natin ang obserbahan ang mga kinikilos ng ating anak, lalo na kapag sanggol pa lamang sila. Pinapanood natin silang matulog habang iniisip, “Humihinga pa ba siya?”
Paano kung bigla kang narinig na kakaibang tunog sa paghinga ng iyong anak? Pakikinggan mong mabuti kung mayroon talaga nito at saka ka mababahala. Kapag tinanong mo sa mga nakakatanda, sasabihin nila, “May halak si baby.”
Bago ka tuluyang mag-alala at humanap ng gamot para sa halak ng baby, kailangan mo munang alamin kung ano ba ang sanhi nito.
Talaan ng Nilalaman
Ano ba ang halak?
Ano ang halak sa bata o ng baby? Ayon kay Dr. Barbara Ann Manio, isang pediatrician mula sa Asian Hospital and Medical Center, ang halak ay isang salitang karaniwang ginagamit para ilarawan ang kakaibang tunog na naririnig mula sa sanggol kapag humihinga sila.
Pero mayroon palang iba’t ibang tunog na maaaring marinig mula sa isang sanggol at mayroon rin itong iba’t ibang sanhi.
“‘Yong halak na usually sinasabi ng parents, ‘yong extra sound related to breathing. So maraming causes ‘yon. Kung ‘yong wheezing na totoo, ‘yon ‘yong extra sound ‘pag humihinga ka, ‘pag inhale mo, ‘pag exhale mo, may sound,” ani Dr. Manio.
Para malaman kung ano talaga ang tunog na naririnig mula sa iyong anak, dapat ilarawan ng magulang kung paano ang tunog na ito.
“Ang halak talaga, ang direct translation niya, wheezing. Pero kapag sinabing halak, kailangan mong ipa-describe sa kanila ano ba ‘yong halak. Kailangang ipa-describe kung anong klaseng sound ‘yong naririnig nila.” dagdag ni Dr. Manio.
Mga klase ng halak na maaaring marinig kay baby o sa bata
Nagbigay siya ng tatlong posibleng dahilan ng halak para sa sanggol.
Wheezing
Kapag isinalin sa Ingles, ang ibig sabihin ng halak ay wheezing. Ito ay ang unang tinutukoy ni Dr. Manio na tunog na madalas naririnig kapag humihinga si baby. Ang tunog nito ay parang matining na sipol.
Kadalasan, ang sanhi ng ganitong klaseng tunog ay problema sa respiratory system ng sanggol. Maaaring may nakakasagabal sa paghinga ni baby kaya nagkakaroon ng ganoong tunog.
Puwedeng dahil ito sa sipon or maaari ring sintomas ng mas malubhang sakit gaya ng bronchitis o pneumonia. Ayon kay Dr. Manio, ang mga posibleng sanhi ng mga sakit na ito ay mga respiratory virus.
Ang ganitong tunog sa paghinga ng sanggol ay maaari ring senyales na mayroon siyang asthma o allergies. Baka nakalanghap siya ng mga foreign particles sa kapaligiran gaya ng alikabok at nagresulta sa respiratory infection.
Kapag hindi nawawala ang ganitong tunog sa paghinga ng iyong anak, maaari rin itong maging senyales ng isang congenital anomaly.
Rhonchi
Kung ang tunog naman na naririnig mo ay malalim at parang naghihilik, maaaring rhonchi ang sanhi ng halak ni baby. Ito ay kadalasang napapansin kapag naglalabas ng hangin o nag-e-exhale ang isang tao.
Ayon kay Dr. Manio, kapag rhonchi ang tunog na narinig mo mula sa iyong anak, senyales ito na may plema na sa kaniyang lalamunan.
Maaari ring senyales ito na ang iyong bronchial tubes (na nagdudugtong sa iyong trachea at iyong baga) ay kumakapal dahil sa mucus. Maaari itong sintomas ng bronchitis.
Stridor
Kapag ang naririnig mo naman ay matining pero hindi sumisipol gaya ng wheezing sound, maaaring stridor ang halak ng iyong baby. Maaari mo itong mapakinggan kahit hindi gumagamit ng stethoscope.
Ang stridor ay senyales na may nakakaharang o nakakasagabal sa daluyan ng hangin sa iyong upper respiratory tract. Kadalasan, apektado dito ang ilong, bibig, sinuses, voice box o larynx at windpipe o trachea.
Ang pangunahing sanhi ng stridor na halak sa mga bata ay ang kondisyon na laryngomalacia. Ipinaliwanag ni Dr. Manio kung paano ito nangyayari sa mga sanggol:
“Kapag ‘yong larynx and the voice box, malambot pa siya, kasi cartillage ‘yon ‘di ba? Kapag malambot pa siya, before 6 months of age, anything on top of it, fluid usually like laway or milk na andun on top of the larynx, kapag nandun ‘yon, nagba-vibrate so puwedeng tumunog din. ‘Yon ‘yong naririnig nilang sound during heaving, eh ang tawag rin nila un, halak.” aniya.
Maaari ring sanhi ng ganitong tunog sa paghinga ng iyong anak ay infection gaya ng croup o tonsilitis. Puwede rin namang may pagkain o bagay na nakasagabal sa airways ng iyong anak.
Kadalasan, nahihirapang kumain o dumede ang mga bata kapag ganito ang kanilang halak, dahilan para sa mababang timbang ng mga sanggol.
Mga sanhi ng halak sa baby o sa bata
Dahil isa sa mga instinct ng mga mommy ay bantayan ang bawat kondisyon ng kanilang baby, ang pakakarinig na may halak sa bata ay nakakabahala para sa mommies. Karaniwan, ipinagpapalagay ng mga mommies na ang pagkakaroon ng halak ng baby ay dahil agad sa sakit tulad ng ubo at sipon.
Pero, alamin din natin na may mga network o sanga-sangang tubo sa ating katawan. Ang mga tubong ito ay nagsisimula sa ilong patungo sa ating baga o tinatawag na bronchi. Kapag may nakabara o obstruction sa maliliit na tubo o bronchioles, maaari nating marinig na may halak si baby pero walang ubo.
Mga sanhi kung bakit may halak si baby pero walang ubo
Dagdag pa, ang bara ay maaaring nasa malalaking tubo rin. May mga kondisyon rin na puwedeng maging kumplikasyon ay may halak si baby pero walang ubo. Narito ang iba’t ibang underlying condition na maaaring maging sanhi ng halak sa bata:
- Asthma o hika na nagdudulot ng halak sa bata
- Allergic reaction sa mga allergens tulad ng alikabok, usok ng sigarilyo, at iba pa
- Anaphylaxis o matinding allergy
- Heart failure
- Chronic obstructive pulmonary disorder o COPD
- Pneumonia
- Gastric Esophageal Refkux Disorder o GERD
- Paninigarilyo (sa matatanda)
- Aspiration, halimbawa ay paglanghap o pagsinghot ng foreign objects
- Bronchitis at bronchiolitis
- Cystic fibrosis o pagkabara ng mga tubo patungo sa baga dulot ng mucus tulad ng plema
- Isang seasonal na viral infection tulad ng Respiratory Syncytial Virus
- Vocal cord dysfunction
Ilan sa mga sanhi nito’y maaaring makitang posibilidad ng hindi lang halak sa bata, kundi maging sa matatanda. Siguraduhing tama ang sanhi ng halak sa baby o sa bata para mabigyan ng tamang gamot sa halak ng baby at paano mawala ang halak ng baby.
Kadalasan din, ang halak sa bata na dulot ng mucus o plema ay maaaring posbile. Ang karaniwang gamot para sa halak ng bata o ni baby sa tradisyunal na medisina ay pag-inom ng nilagang oregano.
Gamot sa halak ng baby
Bakit nga ba mahalaga na malaman kung anong sanhi ng halak ng iyong anak?
Ito ay para maibigay mo ang tamang lunas na makakatulong sa kaniya. Ayon kay Dr. Manio, iba-iba ang paraan ng paggamot sa halak depende kung ano ang sanhi nito.
Tandaan na napakaselan ng katawan ng isang sanggol, kaya dapat mong siguruhin na tama ang kahit anong gamot na ibibigay mo.
Narito ang mga paraan ng paggamot sa halak ng baby ayon sa sanhi nito.
Para sa wheezing:
- Subukang gumamit ng humidifier para magkaroon ng moisture ang hangin sa kuwarto ni baby at lumuwag ang kaniyang paghinga.
- Kung sinisipon ang iyong anak, gumamit ng bulb syringe o nasal aspirator para mailabas ang mucus sa kaniyang ilong.
- Panatiliing hydrated si baby para mabilis mawala ang impeksyon dala ng virus. Painumin ng maraming tubig o kaya padedehin ng mas madalas.
- Ayon kay Dr. Manio, kailangang bigyan ng lunas ang respiratory problems ni baby sa pamamagitan ng pag-nebulize o pagbibigay ng gamot. “Kung totoong halak, ‘yung wheezing, respiratory ang source, kailangan siyang mabigyan ng treatment. Nebulization siguro o gamot.”
Para sa rhonchi:
- Nakakatulong ang pag-ubo para mailabas ang plema, pero kung masyado pang maliit ang iyong anak, baka mahirapan siyang gawin ito ng kusa.
- Maaari mo siyang tulungang mailabas ang plema sa pamamagitan ng dahan-dahang pagtapik sa kaniyang likod nang naka-cup ang iyong mga kamay.
- Kumonsulta agad sa pediatrician ni baby para malaman kung anong mainam na gamot para sa kanya.
Para sa stridor:
- Kung laryngomalacia ang dahilan ng kaniyang halak, pinapayo ng mga doktor na subukan ibahin ang puwesto ni baby kapag nagdedede. Maaari ring dalasan ang kaniyang pagdede at siguruhin na padadapain siya pagkatapos.
- Makakatulong din kung nakaangat ang ulo o kaya naman nakadapa (kung kaya na) ang iyong anak kapag natutulog.
- Ayon sa Healthline, nalalagpasan ng mga bata ang laryngomalacia bago sila magdalawang taong gulang. Pero kung lubha ang stridor at nakakasagabal ito sa pagdede at paghinga ni baby, maaari siyang sumailalim sa surgery.
Paalala ni Dr. Manio, kapag napansin na na may halak ang iyong anak, lalo na kung may kasama itong sipon o ubo, kumonsulta na agad sa doktor para malaman agad ang sanhi nito at mabigyan ng tamang gamot para sa halak ni baby.
Home remedy for halak sa baby
Dahil sa iba’t ibang dahilan o sanhi ng halak ni baby, maaaring magkaroon din ng akmang home remedy for halak sa baby. Hindi rin basta basta dapat painumin si baby ng herbal o home remedy ng walang pahintulot at payo ng doktor. Hingiin rin sa doktor ang diagnosis ng sanhi ng halak sa bata.
Ngunit, kahit nasa bahay lang tayo, ang availability ng home remedy for halak sa baby ay posible. Ilan sa mga home remedy na ito ay ang mga sumusunod:
- Breathing exercises lalo na kung may halak si baby pero walang ubo at nasa edad 1 pababa pa lamang siya
- Luya, dahil ito ay may natural na component o rhizome na ginagawang panlunas sa hika na maaaring sanhi ng halak sa bata
- Oregano bilang gamot sa halak ni baby dulot ng plema na ayaw lumabas. Maliban sa mabisang pantanggal ito ng plema sa baby, ang oregano rin ay gamot para sa asthma, bronchitis, at allergic reactions.
Huwag kalimutan na hindi rin nakakasapat lamang ang home remedy bilang mabisang gamot sa halak ng baby. Magpa-check up sa doktor upang malaman ang dahilan o sanhi ng halak sa bata at para mabigyan ng akmang lunas.
Dagdag na kaalaman mula kay Nathanielle Torre
Medical News Today, WebMD, Stanford Children’s Health, Healthline, Pharmeasy, Parenting First Cry, RX List
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- Halak ng 11-buwan baby, sintomas na pala ng nakamamatay na sepsis
- Gamot sa ubo ng baby: Pangunahing lunas sa inuubong baby
- Maja Salvador sa nalalapit na pagpapakasal: “I'm scared.”
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."