Madalas bang sumakit ang iyong tiyan ba isa na ito sa sintomas ng ulcer sa sikmura? Baka ito ay sintomas ng ulcer. Mababasa sa article na ito kung ano ang gamot sa ulcer at paano ito maiiwasan.
Maraming dahilan para sumakit ang tiyan ng isang tao. Minsan, ito ay dahil sa indigestion, food poisoning, at sa mga babae, posible itong epekto ng menstrual cramps. Ngunit posible rin na ito ay dahil sa pagkakaroon ng ulcer, na isang kondisyon na hindi dapat balewalain.
Ano ba ang ulcer?
Ang ulcer o tinatawag ring gastric ulcer ay isang uri ng sugat na kadalasan matatagpuan sa loob ng tiyan.
Kapag ang makapal na mucus na pumoprotekta sa ating tiyan ay nabawasan, maaring magkaroon ng butas sa tissue ng tiyan. Maari ring maapektuhan ang ating small intestine, na tinatawag na duodenal ulcer o peptic ulcer.
Ang ulcer sa tiyan ay nangyayari kapag nagsugat o nabutas ang lining ng ating sikmura. Dahil sa pagkasugat o pagka butas sa lining ng sikmura, tayo ay nakakaramdam ng pananakit.
Sanhi ng ulcer
Karaniwang sinasabi ng mga tao na ang ulcer raw ay epekto ng hindi pagkain nang tama, o kaya sa wastong oras. Mayroon nga bang katotohanan ang paniniwalang ito?
Ayon sa Healthline, ang pangunahing sanhi ng ulcer ay ang bacterial infection na dahil sa Helicobacter pylori (H. pylori).
Isa rin sa mga tinuturong sanhi ng ulcer ay ang labis na paggamit ng mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) gaya ng aspirin, ibuprofen, o naproxen.
Larawan mula sa Freepik
Subalit ayon kay Apple Chan, isang dietician mula sa Gleneagles Hospital, maari ring makaapekto ang hindi pagkain sa tamang oras para magkaroon ng mga sakit gaya ng ulcer.
Trabaho ng ating tiyan na gumawa ng digestive juices para matunaw ang ating kinakain. Kahit walang pagkain sa loob ng tiyan, tuloy pa rin ang paggawa ng digestive juices na ito.
Kapag hindi ka kumakain sa tamang oras o walang laman ang iyong tiyan, maaring magkaroon ng sobrang juice dito at magsugat ang lining ating intestines na magdudulot ng ulcer.
“Prolonged periods without food tend to lead to acid reflux, gastritis and stomach acid. Excessive amounts of digestive juices might erode your intestinal lining and cause ulcers,” ani Chan.
May mga nagsasabi rin na nakakapagdulot ng ulcer ang ilang uri ng pagkain o stress, subalit walang sapat na ebidensyang nagpapatunay rito.
Kapag napabayaan, posibleng magdulot ng mas matinding infection ang ulcer.
Narito ang mga posibleng mangyari:
- Helicobacter pylori (H. Pylyori)
Ito ay bacteria na tumitira sa ating digestive tract at sumisira sa stomach lining o duodenum kaya nagkakaroon ng stomach ulcer.
- Kapag matagal nang gumagamit ng mga anti-inflammatory drugs tulad ng ibuprofen, naproxen at aspirin
- Sobrang asido sa sikmura o hyperacidity. Ang hyperacidity ay maaaring dulot ng stress, paninigarilyo o mga pagkaing maanghang at mamantika. Ang kondisyong ito ay maaaring ring namamana
- Sobrang pag-inom ng alak
- Pagpapalipas ng gutom
- May history ang kapamilya ng ulcer
Iba pang sanhi ng ulcer
Kapag nagugutom ang isang tao, dumadami ang amount ng acids sa loob ng bituka na magiging sanhi ng pagsisimula ng pagkakaroon ng ulcer. Kapag sobrang acidic ang bituka at wala itong magigiling, gagasgasin na nito ang sarili habang ito ay gumagalaw-galaw.
May ilang mga gamot na nakakaapekto sa pag-produce ng mucosal gel na nagpoprotekta sa inner surface ng bituka. Ang ilan sa mga ito ay ang NSAIDS (nonsteroidal anti-inflammatory drugs) katulad ng ibuprofen, mefenamic acids, ketoprofen at aspirin.
Ang mga gamot na ito ay nagpapababa sa production ng mucosal gel na proteksyon sa bituka. Idagdag pa na ang mga gamot na ito ay nakakairita sa tiyan kapag walang lamang pagkain.
Ang helicobacter pylori infection ay isang klase ng infection sa bituka na nakukuha mula sa pagkain o pag-inom ng mga pagkain na contaminated ng H. pylori bacteria.
Ang bituka ang paboritong tinatamaan ng ganitong klaseng bacteria na nagreresulta sa pagdami ng acids na napo-produce ng bituka. Sa kalaunan ay magagasgas at magkakaroon na ng ulcer sa tiyan.
Ang paninigarilyo ay nagiging sanhi rin ng pagdami ng sobrang acids sa tiyan.
Ang mga soft drinks ay nahaluan ng carbonic acid na nagpapataas ng acidity sa bituka lalo na kung iniinom ito nang walang laman ang tiyan.
Bagama’t ang kape ay hindi acidic, kapag ininom ito ay nag-i-stimulate ito ng pagdami ng acid production sa bituka.
Kung ang pag-uugali ng isang tao ay masyadong maalalahanin sa trabaho at laging stressful, nai-stimulate ang bituka na mag-produce ng mas maraming acid sa bituka kung kaya ang mga taong ganito ang pag-uugali ay madalas nagkakaroon ng ulcer sa tiyan.
Bumibilis din ang paggalaw ng bituka at small intestines. Ang maaaring resulta ay ang pagkaka gasgas ng inner surface ng bituka na maaaring lumaki kapag ipinagpatuloy ang habit na pag-skip ng meals, lalo na sa umaga.
11 sintomas ng ulcer sa sikmura
Maraming sintomas ang naiuugnay sa stomach ulcer. Depende rin sa lala ng iyong sakit ang mga sintomas na maari mong maramdaman.
Ang pinakapangunahin sintomas ng ulcer sa sikmura ay ang pananakit ng tiyan, sa bandang gitna ng dibdib at pusod. Mas tumitindi ang sakit kapag walang laman ang iyong tiyan, at maaring tumagal ng ilang minuto hanggang ilang oras.
Narito pa ang ibang sintomas ng ulcer sa sikmura:
- pagkakaroon ng pakiramdam na busog, o kaya bloated ay maaaring sintomas ng ulcer sa sikmura
- nahihirapang kumain ng dahil sa sakit ng tiyan
- pagkakaroon ng hyperacidity, o kaya heartburn ay puwede ring sintomas ng ulcer sa sikmura
- pagsusuka
- pagdighay o acid reflux
- pagbaba ng timbang
- anemia, o pagbaba ng dugo na may kasamang matinding pagod, hirap sa paghinga o pamumutla
- maiitim (dark) na kulay ng dumi
- pagkakaroon ng dugo sa dumi
- panghihina ng katawan
- pagbabago ng gana sa pagkain
Kailangang ipagbigay-alam agad sa iyong doktor kung nakakaranas ka ng sintomas ng ulcer. Bagama’t mild lang ang mga sintomas, maaari itong lumala kapag hindi naagapan, at maaaring magdulot ng mga nakababahalang komplikasyon sa katawan.
Mahapdi ang tiyan, sa bandang sikmura. Kapag ang hapdi ay nararamdaman kapag gutom at nawawala kapag nakakain na, ang bahagi sa tiyan na may ulcer ay ang duodenum (parte ng small intestines na pinakamalapit sa baba ng bituka).
Duodenal ulcer ang tawag dito. Ngunit kapag ang sakit ng tiyan ay lalong sumasakit kapag kakakain lamang, ang bahaging apektado ay ang babang bahagi ng bituka. Ang tawag naman dito ay gastric ulcer.
Dahil sa mga nabanggit, mapapansin na ang may mga duodenal ulcer ay mas mataba ang pangangatawan sapagkat kailangan nilang kumain ng kumain upang maibsan ang paghapdi ng tiyan.
Ang mga may gastric ulcer naman ay ang mga umiiwas na makakain ng marami kaya’t slim ang kanilang pangangatawan.
Sanhi at sintomas ng ulcer sa sikmura ng babae
Batay sa saliksik namin, ang kadalasang uri ng ulcer na maaaring maranasan ng babae ay peptic ulcer. Ang peptic ulcer ay paghapdi na nagde-develop sa loob na lining ng sikmura at sa itaas na bahagi ng small intestine.
Kadalasan, ang sintomas ng ulcer sa babae na peptic ay pananakit ng sikmura. Ang peptic ulcer sa babae ay maaaring kasama ang mga sumusunod:
- Gastric ulcer – na nangyayari sa loob ng sikmura
- Duodenal ulcer – na nagaganap naman sa loob ng itaas na bahagi ng small intestine o duodenum.
Ilang sanhi ng sintomas ng peptic ulcer sa sikmura ng babae
Dahil kalimitan ang babae ay nakakaranas ng dysmenorrhea at pananakit ng puson kapag may regla, maaaring napapadalas din ang pag-inom ng over-the-counter na gamot tulad ng ibuprofen (na hindi advisable).
Ang madalas at long-term na pag-inom ng ibuprofen at iba pang non-steroidal anti-inflammatory na gamot (NSAIDs) ay ang kadalasang sanhi ng peptic ulcer. Kaya, pwedeng makaranas din ng sintomas ng ulcer hindi lang sa babae, maging sa iba pang nagtetake ng NSAIDs.
Sintomas ng peptic ulcer sa sikmura ng babae
Ang pinaka karaniwang sintomas ng ulcer sa babae na peptic ay burning stomach pain o sobrang paghapdi ng sikmura. Mas lumalala rin ang pananakit at paghapdi na ito dahil sa stomach acid na narerelease sa sikmura.
Dagdag pa, ang mga sintomas ng ulcer sa babae ay ang mga sumusunod:
- pakiramdam na laging busog o pamumundat ng tiyan, bloating at belching o pagdighay
- intolerance sa fatty foods tulad ng red meat, itlog, butter, whole milk dairy products, at iba pa
- heartburn
- nausea
Sa kabilang banda, karamihan din sa mga babae ay maaaring hindi nakakaranas ng sintomas ng peptic ulcer. Maliban pa sa mga nabanggit na sintomas na madalas maranasan, may mga sintomas na maaaring maranasan na mas malala pa.
Kahit pa na ito ay rare na kaso, narito ang mga sintomas ng mas malalang kondisyon ng peptic ulcer:
- pagsusuka o pagsusuka na may kasamang dugo (maaaring magkulay pula o itim)
- maiitim na spot ng dugo sa dumi, o pagtae ng itim ang kulay
- nahihirapan sa paghinga
- pakiramdam na nahihilo o mahihimatay
- hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
- pagbabago sa appetite
Kapag ganitong mga sintomas na ang nararanasan, pumunta na agad sa doktor para magpatingin at humingi ng lunas.
Mga posibleng komplikasyon ng ulcer sa sikmura
Bagama’t madalang lang ang mga komplikasyon mula sa ulcer, seryoso at lubhang delikado ang mga ito, gaya ng:
- internal bleeding, o pagdurugo sa loob ng tiyan
- pagkakaroon ng butas sa lining ng tiyan (perforation)
- maaring maharangan ng ulcer ang pagdaloy ng pagkain sa ating digestive system (gastric obstruction)
- stomach cancer – maaaring maging malignant ang gastric ulcer at maging gastric cancer. Hindi pangkaraniwan ang ganitong kaso ng komplikasyon sa ulcer.
Kapag napabayaan ang ulcer ay lalaki ang sugat. Maaaring maparami ang dugong mawawala mula sa sugat kaya’t maaaring magka-hemorrhage.
Kapag lumubha ay maaaring magsuka at magtae ang tao ng fresh na dugo. Sa ganitong kondisyon, kailangan na ang blood transfusion.
Kapag masyado na ring lumalim ang sugat, maaaring tumagos na ang butas sa bituka kaya’t ang laman ng bituka at small intestines ay mapupunta sa peritoneum (bahagi sa tiyan kung saan naka-suspend ang iba’t ibang abdominal organs).
Ang peritoneum ay sterile o walang kamikro-mikrobyo, ‘di katulad ng loob ng bituka at small intestines na mayroong normal at mabuting mikrobyo o tinatawag na normal flora na siyang tumutulong sa digestion at paggawa ng clotting factors.
Kapag humalo ang mga mikrobyo sa peritoneum na sterile dahil mayroon nang butas, magkakaroon ng peritonitis (infection sa peritoneum) ang taong may ulcer. Sintomas nito ay lagnat at paninigas ng tiyan.
Maaaring makakayanang indain ng tao ang hapdi na nararamdaman sa tiyan ngunit delikado kapag nagkaroon na ang komplikasyon.
Simple lang naman ang mga maaaring gawin upang maiwasan na magkaroon nito o di kaya’y maiwasan ang paglala kung mayroon na nito.
Kailan dapat tumawag ng doktor?
Dahil sa mga posibleng komplikasyon, mahalaga na kumonsulta sa iyong doktor kapag nakakaranas ng sintomas ng ulcer.
Subalit narito naman ang mga sintomas na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon:
Kapag nakaranas ng mga sintomas na ito, agad na pumunta sa doktor upang malapatan ng tamang gamot sa ulcer.
Epektibong gamot para sa ulcer at sa mga sintomas ng ulcer sa sikmura
Paano nga ba gamutin ang ulcer? Kung maaagapan, maaaring gumaling ang ulcer sa loob ng isa o dalawang buwan. Ang lunas at epektibong gamot para rito ay nakadepende rin sa sanhi at sintomas ng ulcer.
Maaari kang resetahan ng iyong doktor ng gamot na tinatawag na proton pump inhibitor (PPI) para mabawasan ang dami ng acid na nagagawa sa tiyan at hinahayaan ang ulcer na kusang maghilom.
Kapag ang sanhi ng ulcer ay H.plyori infecton, maaring magreseta ang doktor ng antibiotic, para maiwasan rin ang pagbalik ng sakit.
Kung ang sobrang paggamit naman ng NSAIDs ang dahilan ng ulcer, posibleng PPI ang piliing lunas ng doktor. Maaari rin niyang irekomenda na iwasan mo na ang paggamit ng NSAIDs, at gumamit ng mga alternatibo rito.
Anong gamot sa ulcer?
Narito ang ilan pang mabisang gamot para sa ulcer:
- Antacids – nakakatulong ito para ma-neutralize ang acid sa sikmura. Mabibili ito over-the-counter at magagawa nitong maibsan ang ilang sintomas ng ulcer. Kaya lamang, maaari rin itong maka-interfere sa antibiotics.
- Bismuth subsalicylate – over-the-counter medicine ito na kadalasang natatagpuan sa Pepto-Bismol. Makatutulong ito para protektahan ang sikmura mula sa stomach acid.
- Cytoprotective agents – nakatutulong din ito para maprotektahan ang iyong ulcer mula sa stomach acid.
- Histamine receptor blockers (H2 blockers) – pinipigilan nito ang katawan na mag-produce ng stomach acid. Mayroon itong famotidine, cimetidine, at nizatidine content.
May posibilidad pa rin na bumalik ang mga sintomas ng ulcer, subalit hindi naman ito madalas na nangyayari lalo na kung natukoy at nagamot na ang sanhi nito.
Pero sa mga kaso na pabalik-balik ang ulcer, o hindi ito gumagaling at nagkakaroon ng pagdurugo sa tiyan, maaaring ipayo ng doktor na sumailalim ka sa surgery.
Kung saan kukuha ng tissue mula sa ibang bahagi ng katawan para ilagay sa bahagi ng ulcer. Pwede rin namang tanggalin ang mismong ulcer, depende kung gaano ito kalala.
Halamang gamot sa ulcer
Narito naman ang ilan sa mga halamang gamot at natural home remedies para sa paglunas ng sintomas ng ulcer sa sikmura:
- Bawang
- Yogurt at probiotics
- pagpapahid ng castor oil sa area ng sikmura na humahapdi
- Aloe juice
- Sibuyas
- pag-inom ng tsaa pagkatapos kumain sa gabi
Mga dapat kainin ng may ulcer
Maliban sa mga halamang gamot at home remedy sa ulcer, siyempre, kailangan din ng tamang pagkain. May mga pagkain na maaaring makapagpalala pa ng ulcer tulad ng alkohol, fatty foods, gatas, kape at iba pa.
Samantala, narito ang mga pagkain na dapat kainin ng may ulcer
- Probiotic drinks kaysa gatas na dairy
- pag-inom ng tsaa
- mga pagkain na mayaman sa Vitamin A tulad ng kamote, carrots, at spinach
- Vitamin C na maaaring makuha sa red bell pepper, bilang pantulong sa paghilom ng sugat. Ang ulcer ay maaaring magdulot ng pagdurugo sa loob ng bituka at sikmura.
- Maaari rin ang broccoli, strawberries, at kiwi bilang source ng Vitamin C
Kung nais makaalam ng mas tamang pagkain na dapat mong kainin kung ikaw ay may ulcer, magtanong sa iyong doktor. Mas mahalagang malaman muna ng doktor ang sitwasyon ng iyong ulcer.
Paano ba maiiwasan ang pagkakaroon ng ulcer?
Narito naman ang ilang mga bagay na dapat tandaan para makaiwas sa ulcer, ito ay ang mga sumusunod:
- Hindi pa rin alam kung paano nakakahawa ang bacteria na sanhi ng ulcer, ngunit maiiwasan ito ang pagkalat nito sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay at sa pagpapanaliting malinis ng paligid.
- Hangga’t maaari, huwag laging uminom ng NSAIDs, lalo na kapag walang laman ang iyong tiyan.
Larawan mula sa Freepik
- Nakakatulong din ang pagkaing lumalaban sa H.pylori bacteria gaya ng :
- broccoli, cauliflower, cabbage, at radish
- mga dahon gaya ng spinach at kale
- pagkaing mayaman sa probiotics gaya ng yogurt, miso at kombucha
- pagkaing mayaman sa glutamine gaya ng manok, isda, at itlog
- mansanas
- blueberries, raspberries, strawberries, at blackberries
- olive oil
- Makakabuti ring umiwas sa mga maaalat at maaanghang na pagkain, pati na rin ang mga pagkaing madaling makairita sa tiyan, lalo na kung nagpapagaling mula sa ulcer.
- Ugaliin ding kumain sa tamang oras at iwasan ang magpagutom.
- Iwasan ang masasamang bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo. Mas mataas raw ang posibilidad ng mga taong umiinom ng alak at naninigarilyo na magkaroon ng ulcer.
- Panatiliing malakas ang immune system sa pamamagitan ng tamang nutrisyon, sapat na pahinga at pag-eehersisyo.
Huwag balewalain ang pananakit ng tiyan. Bagama’t mild lang ang mga sintomas ng ulcer, dapat pa ring maagapan ito para makaiwas sa mga komplikasyon.
Kumain ng mga masusustansiyang pagkain at sabi ng kanina ay huwag na huwag magpapalipas ng gutom. Magkaroon ng healthy lifestyle. Sa ganitong paraan ay makakaiwas sa ulcer.
Sa panahon ngayon, dapat lalong maging maingat at mapagmatyag. Kapag mayroon kang katanungan tungkol sa ulcer o may napapansing kakaiba sa iyong katawan, huwag mag-alinlangang kumonsulta sa iyong doktor.
Senyales ng ulcer sa sikmura ng bata
Maaari ring magkaroon ng ulcer ang bata. Ayon sa Standord Medicine, karaniwang sanhi ng ulcer sa bata ay ang infection dulot ng Helicobacter pylori (H.pylori) bacteria.
Pwedeng ma-impeksyon ng naturang bacteria ang iyong anak kung kayo ay:
- Nakatira sa crowded na lugar
- Kung nagtatabi-tabi sa higaan
- Genetics. Ang mga bata raw na may Hispanic at African-American background ay may mataas na risk ng impeksyon dulot ng H. pylori bacteria.
May mga pagkakataon na walang sintomas ang ulcer sa bata pero ang karaniwang senyales nito ay ang burning pain o paghapdi ng sikmura. Karaniwang nararamdaman ito sa pagitan ng breastbone at puson.
- Ilan pa sa mga sintomas ng ulcer sa bata ay:
- bloating
- anemia
- kawalan ng ganang kumain
- pagkahilo at pagsusuka
- pagsusuka nang may kasamang dugo
- matinding pagod at panghihina
- pagbaba ng timbang
Paano gamutin ang ulcer ng bata
Ang paggamot sa ulcer ng bata ay nakadepende sa sintomas na nararanasan nito. Gayundin sa edad at general health ng bata.
Kapag dinala ang bata sa doktor, asahang tatanungin ng inyong health care provider ang health history ng iyong anak. Maaari rin siyang sumailalim sa iba’t ibang klase ng tests bago ma-diagnosed kung may ulcer nga ba ito.
Ilan sa mga test na maaaring gawin ay:
Upper gastro intestinal series
Sa test na ito, titingnan ang mga organs sa itaas na bahagi ng digestive system ng iyong anak. Ipapalunok sa bata ang barium, metallic liquid ito na babalot sa loob ng mga organ ng bata. Sa pamamagitan nito, mas magiging malinaw ang x-ray ng mga tiningnang organs.
Endoscopy
Papasukan ng maliit at flexible tube ang digestive tract ng iyong anak. Mayroong ilaw at camera ang dulo ng tube. Maaaring kumuha ng sample tissues ang doktor mula sa digestive tract ng bata at isasailalim ito sa pagsusuri.
Maaari din namang magsagawa ng blood, stool, breath at stomach tissue tests ang doktor para matingnan kung mayroong infection ng H. pylori bacteria ang iyong anak.
Anong gamot sa sintomas ng ulcer sa sikmura ng bata
Kung may stomach ulcer ang iyong anak, kakailanganin niyang uminom ng gamot para dito. Kung epekto ng H. pylori bacteria ang ulcer niya, maaaring higit sa isang gamot ang irekomenda ng doktor.
Nakadepende sa edad at sanhi ng ulcer kung anong kombinasyon ng mga gamot ang ipaiinom sa iyong anak.
Maaari siyang bigyan ng antibiotics para mapatay ang bacteria na sanhi ng ulcer. Pwede rin naman siyang painumin ng H2-blockers para mabawasan ang amount ng acid na nililikha ng stomach ng bata.
Dagdag pa rito, maaaring ibigay na gamot sa ulcer ang proton pump inhibitors para ma-block ang production ng stomach acid. O kaya naman ay mucosal protective agent para maprotektahan ang lining ng bituka mula sa pagka-damage dulot ng acid.
Kung hindi gagaling ang bata sa pamamagitan ng mga gamot. Maaaring irekomenda ng inyong doktor na sumailalim ang iyong anak sa surgery.
Paano maiiwasan ang ulcer sa bata
Hindi pa tiyak kung paano kumakalat ang infections dulot ng H. pylori bacteria. Subalit mayroong mga paraan para mabawasan ang risk na maimpeksyon nito ang iyong anak at magkaroon ng ulcer.
Mahalagang hugasan palagi ang kamay ng iyong anak. Bukod pa rito, iwasan din na magkaroon ito ng close contact sa taong apektado ng H. pylori upang maiwasang mahawa ang bata.
At syempre, huwag pakakainin o paiinumin ang bata ng contaminated na pagkain at inumin.
Karaniwan namang gumagaling ang stomach ulcer ng bata sa pamamagitan ng gamot. Makipag-ugnayan lamang sa pedia ng iyong anak para malaman kung ano ang mga dapat gawing pag-aalaga sa iyong anak na may ulcer.
Matapos ang gamutan, mahalagang dalahin ulit sa doktor ang bata para matingnan ng doktor at makompirma na wala na ang bacteria na nagdudulot ng ulcer sa bata.
Nakakamatay ba ang ulcer?
Ang mga nabanggit na mga kumplikasyong hatid ng sintomas ng ulcer sa sikmura ay hindi naman madalas na mangyari. Pero, ang mga sintomas ng ulcer sa sikmura ay posible ring lumala pa at potensyal na nakakamatay.
Habang maaga pa, kung may mga sintomas ng ulcer sa sikmura na nararanasan, ipakonsulta na agad sa doktor. Agapan na agad bago pa ito lumala ng tuluyan.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan at Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!