#AskDok: Anong mga pagkain na dapat iwasan dahil bawal sa buntis?

Mahalagang kumain ng masusustansyang pagkain lalo na sa panahon ng pagbubuntis. Alamin sa article na ito ang mga pagkaing bawal sa buntis pati na rin ang dahilan kung bakit dapat itong iwasan.

Karaniwang pinagdaraanan ng mga buntis ang pagkakaroon ng cravings na bahagi ng kanilang paglilihi. Nakagiginhawa umano ng pakiramdam kapag naibigay sa iyo ang pagkaing gustong-gustong kainin. Kaya lamang mommy, tandaan na mayroong mga pagkain na bawal sa buntis.

Alamin dito ang mga pagkain na bawal sa buntis, pati na rin ang mga masustansiyang pagkain para sa buntis ayon sa isang OB-Gyne. Bukod pa rito, isa-isahin din natin ang mga dahilan kung bakit dapat na muna nilang iwasan ang mga pagkain na bawal sa buntis.

Listahan ng mga pagkain na bawal sa buntis

Tayong mga Pilipino pagdating sa pagdadalang-tao ay maraming paniniwala o kasabihan. Gaya ng may mga pagkain na bawal kainin ang buntis.

Tulad na lang ng talong dahil sa maaari umanong magkaroon ng mga itim na patches sa balat ang sanggol. O kaya naman ay pinya na sinasabing maaaring magdulot ng miscarriage sa babaeng nagdadalang-tao.

Para malinawagan sa mga ito, aming in-interview ang isang OB-Gynecologist na si Dr. Ramon Reyles na kasalukuyang Chairperson ng Department of Obstetrics and Gynecology sa Makati Medical Center.

Narito ang mga listahan ng mga kaalaman at paliwanag na ibinahagi ni Dr. Reyles tungkol sa mga pagkain na bawal sa buntis sa aming panayam.

Listahan ng mga bawal na pagkain sa buntis ayon sa eksperto

1. Limitahan ang mga pagkain na bawal sa buntis tulad ng maalat, matamis at mamantikang pagkain.

pagkain na bawal sa buntis

Image by Free-Photos from Pixabay 

“Not too much on salty food. Huwag masyadong matamis, huwag masyadong mamantika.”

Ito ang unang paalala ni Dr. Reyles sa mga buntis tungkol sa kanilang mga kinakain. Bagama’t may stage sa pagbubuntis na tinatawag nating paglilihi na kung saan mas gusto natin ang mga pagkaing ito.

Dapat ay may limit o huwag masyado. Dahil paliwanag ni Dr. Reyles, ito’y maaaring makasama sa kalusugan ng buntis at kaniyang sanggol.

Ang labis na pagkain ng matatamis ay maaaring magdulot ng excessive weight gain sa buntis at sa kaniyang sanggol. Maaari namang makaapekto sa blood pressure ng buntis ang labis na salt intake.

Ganoon din sa kaniyang baby na maaaring makapagresulta sa pre-eclampsia. Habang ang pagkain naman ng mamantikang pagkain ay iniiuugnay ng mga pag-aaral sa dagdag na risk ng pagkakaroon ng gestational diabetes.

Kaya paalala ni Dr. Reyles, hindi naman masamang kumain ng mga ito habang nagbubuntis. Basta’t siguraduhin lang na hindi sosobra o hindi aaraw-arawin.

2. Mga isdang may mataas na mercury content.

Pwede ba kumain ang buntis ng de-lata na pagkain kagaya ng mga sardinas? 

Ayon pa rin kay Dr. Reyles, may mga isda na hangga’t maaari hindi dapat kinakain ng mga buntis. Ito ang mga isdang may taglay na mataas na level ng mercury na maaaring makasama sa pagbubuntis.

Ang mercury umano kasi’y may taglay na maaaring humalo sa bloodstream ng buntis. Maaaring mapunta kay baby at makaapekto sa development ng kaniyang utak at nervous system.

Ang ilan sa mga isdang may mataas na content na mercury na bawal kainin ng buntis ayon kay Dr. Reyles ay ang sumusunod:

  • Big eye tuna
  • King mackerel
  • Marlin
  • Orange roughy
  • Swordfish
  • Shark
  • Tilefish

Dagdag pa ni Dr. Reyles, ang ibang uri ng isda at seafoods ay may taglay rin na mercury pero hindi ito kasing taas ng level ng mga nabanggit na isda. Tulad ng mga canned tuna na dapat ay nakakain ng buntis ng small o maliit na amount lang.

“Dapat small amount lang, very small amount. Ganoon rin sa mga seafoods na puwede nilang kainin like anchovies, cod, salmon, sardines, shrimp, oyster, tilapia. Dapat iilimit lang sa 6 to 12 ounces o 2 or 3 servings of seafood a week during pregnancy.

3. Mga prutas na bawal sa buntis.

Pagdating sa prutas tulad ng papaya at pinya, wala naman daw bawal kainin ang buntis. Basta huwag lang daw dapat sumobra sa pagkain ng iisang uri ng prutas o kaya naman ang prutas na mas magpapalala ng kondisyon o sakit na nararanasan pa ng isang buntis. Paliwanag ni Dr. Reyles,

“Kung wala ka naman diabetes, wala ka namang allergy pwede naman. Basta not too much on one kind of fruit.

May mga sakit o complications ng pregnancy na bawal ang grapes and grape juice. Like kung mayroon kang autoimmune at meron kang tinatawag na vasculitis.”

4. Mga pagkaing hilaw o hindi maayos na naluto ay bawal sa buntis.

hilaw na pagkain ng salmon at iba pang seafood - mga halimbawa ng pagkain na bawal sa buntis

Pagkain na bawal sa buntis. | Image by Arek Socha from Pixabay

Mariin namang ipinaalala ni Dr. Reyles na hindi dapat kumakain ng hilaw na pagkain ang buntis tulad ng sushi.

Kahit nga raw ang mga undercooked na pagkain lalo na ng karne at malasadong itlog (sunny side-up). Ang mga examples nito ay ang rare at medium cooked na steak, soft boiled eggs, sunny side up eggs, at poached eggs.

Sapagkat mataas ang tiyansa na nagtataglay ng harmful bacteria at parasites ang mga ito na makakasama sa pagdadalang-tao. Tulad na lang ng salmonella, toxoplasma, E. coli at Listeria.

Ang mga nasabing bacteria ay maaaring magdulot ng sakit sa buntis na maaaring mauwi sa miscarriage o pagkakalaglag ng dinadalang sanggol.

Maliban sa mga raw at undercooked na pagkain, dapat ding iwasan ang mga unpasteurized foods tulad ng gatas at cheese. Dapat ding laging huhugasan ng maaigi ang mga prutas at gulay bago kainin. Para masiguradong maalis ang mga parasites o bacteria na nakakapit dito.

5. Mga inuming may sangkap na caffeine.

Ayon pa rin kay Dr. Reyles, ang mga inuming may sangkap na caffeine ay hindi naman bawal sa buntis. Bagama’t kailangan lang limitahan ito. Tulad ng kape, milk tea at chocolate drink.

“Conditional ang kape. Kung dati ka ng umiinom ng kape pwede naman. Pero you have to limit, mga one cup lang pwede na or not more than 200 mg of caffeine a day.”

Ito ang paalala ni Dr. Reyles tungkol sa pag-inom ng mga inuming may caffeine. Lalo na sa milktea na hindi lang nagtataglay ng caffeine kung hindi matamis na inumin rin.

Para naman sa mga carbonated drinks na may mataas na level ng caffeine at calories mas mabuting iwasan na lang muna ito habang nagbubuntis. Pahayag ni Dr. Reyles,

“’Yong mga carbonated drinks, mataas ang caffeine at calories. They are unnecessary calories and caffeine kaya better to avoid and take water nalang.”

Dagdag na paalala ni Dr. Reyles sa mga nagdadalang-tao

Sa kabuuan, ayon kay Dr. Reyles, ay wala namang bawal kainin ang buntis basta ito’y puro healthy foods na makakatulong sa baby niya.

Ang kailangan lang ay matuto siyang magkaroon ng balance, limit o huwag sosobra sa pagkain ng iisang pagkain. Hindi rin daw tamang pagkakataon ang pagbubuntis para mag-fasting o magpapayat ang isang babae. Dahil ito umano’y makakasama sa kaniya.

“They should be eating 3 times a day to keep the mom healthy. Hindi dapat nagpapayat during pregnancy. Dapat eat and make yourself healthy.”

Dapat iwasan: Listahan ng mga bawal na pagkain sa buntis

Bukod sa mga nabanggit sa itaas narito pa ang mga dapat iwasan listahan ng mga bawal na pagkain sa buntis:

6. Laman loob

Mayaman sa iba’t ibang klase ng nutrients ang organ meat o laman loob ng baka, baboy, o manok.  Mayroon itong iron, Vitamin B12, vitamin A, zinc, selenium, at copper na makabubuti sa iyo at kay baby.

Kaya lamang, ang pagkonsumo ng labis na vitamin A na nakukuha sa pagkain ng laman loob ng hayop o ‘yong tinatawag na performed vitamin A ay hindi nirerekomenda ng mga eksperto sa panahon ng pagbubuntis.

Ayon sa Healthline, ang pagkonsumo ng labis na performed vitamin A, lalo na sa unang trimester ng pagbubuntis, ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng congenital malformations at miscarriage.

Raw sprouts

Maging maingat din sa pagkain ng mga hilaw na gulay. Kahit ang healthy vegetable salad na paborito mo ay may mga lahok din na kailangang iwasang kainin ng mga buntis.

Ang raw sprouts tulad ng alfalfa, clover, labanos, at mung bean sprouts o toge sa Tagalog, ang ilan sa mga hilaw na gulay na posibleng nakontamina ng salmonella. Makasasama sa iyo at sa iyong baby kapag nakakain ka ng pagkain na kontaminado ng nasabing bacteria.

Ang humid environment kung saan tumutubo ang mga nabanggit na gulay ay karaniwang pinamumugaran ng nasabing bacteria. Kaya naman mahalagang iwasan na kainin ang mga ito nang hilaw. Lutuin munang maigi ang mga gulay bago kainin.

toge - bawal na pagkain sa buntis

Larawan mula sa Pexels kuha ng Nourishment Decoded

7. Mga prutas na hindi pa nahuhugasan

Healthy man sa katawan at sa iyong sanggol ang pagkain ng prutas, ibang usapan kung ito ay kakainin nang direkta mula sa palengke o supermarket nang hindi pa nahuhugasan.

Ang balat ng hindi nahugasan o nabalatang prutas ay posibleng contaminated ng iba’t ibang bacteria at parasites. Siyempre, maraming mamimili na ang humawak sa mga prutas na ito. Dagdag pa rito ay ang exposure nito sa hangin sa palengke na posible ring may kasamang dumi.

Maaaring mayroong Taxoplasma, E.coli, Salmonella, at Listeria bacteria ang mga prutas na hindi pa nahuhugasan. Ang mga nabanggit kasi na bacteria ay nakukuha sa lupa o sa pamamagitan ng hindi malinis na handling ng mga pagkain.

Ang epekto ng taxoplasmosis ay tila trangkaso o flu na tumatagal nang isang buwan o higit pa. Ayon pa rin sa Healthline article, ang mga sanggol na na-impeksyon ng toxoplasma habang nasa loob ng sinapupunan ay posibleng walang sintomas kapag ipinanganak. Subalit ang mga sintomas tulad ng pagkabulag at intellectual disabilities ay maaaring madevelop sa kanilang pagtanda.

8. Alak

Alam naman ng nakararami na hindi mabuti ang alak sa buntis. Inirerekomenda ng mga espesyalista na hindi lang basta limitahan kundi tuluyang iwasan ang pag-inom ng alak kung ikaw ay buntis.

Nakapagpapataas umano ito ng risk ng pagkakaroon ng miscarriage at stillbirth. Ibig sabihin tumataas ang posibilidad na ikaw ay makunan kung iinom ka ng alak habang ikaw ay buntis. Kahit umano ang kaunting amount ng alak ay maaari nang makaapekto sa brain development ng iyong anak sa sinapupunan.

Bukod pa rito, ang pag-inom ng alak habang buntis ay puwedeng magdulot ng fetal alcohol syndrome, kung saan ang sanggol ay makararanas ng deformity sa mukha, heart defects, at intellectual disability. Makabubuting huwag na munang uminom ng alak, mommy. Para manatiling ligtas kayo ni baby.

Bawal ba sa buntis ang maanghang na pagkain?

Ito ang magandang balita para sa mga mommies na nagke-crave ng maanghang na pagkain – 100% safe ito para kay baby! Hindi nagdudulot ito ng kung anoman sa iyong baby.

Ngunit, may isang 2019 research na binasa at ni-review ang Healthline.com, na ang pagkain ng mga ilang pagkain na may ibang flavor o lasa ay nakakaapekto sa “flavor” ng inyong amniotic fluid. Pero, walang partikular na nabanggit para sa maanghang na pagkain.

Maaari mo ring maimpluwesiyahan ang taste buds ni baby sa mga pagkaing maanghang. Paglaki nila, maaaring magpakita rin sila ng kagustuhan sa mga ganitong panlasa.

Mga masustansiyang pagkain para sa buntis

pagkain na bawal sa buntis

Food photo created by onlyyouqj – www.freepik.com 

Para naman sa mga pagkaing para sa buntis at dapat kainin, narito ang mga super nutritious foods o masustansiyang pagkain para sa buntis.

1. Pagkain ng dairy products na para sa buntis

Dairy products tulad ng pasteurized cheese, milk at yogurt na nagtataglay ng extra protein at calcium na kailangan ng lumalaking sanggol sa sinapupunan.

2. Ang pagkain ng legumes ay mainam at hindi naman bawal sa buntis

Legumes tulad ng lentils, peas, beans, peanuts na best source ng fiber, protein, iron, folate at calcium na kailangan ng katawan ng babaeng nagdadalang-tao.

3. Sweet potatoes

Sweet potatoes na rich in beta carotene at good source ng vitamin A na mahalaga sa development ni baby.

4. Salmon

Salmon na mayaman sa omega-3 fatty acids na nakakatulong sa brain at eye development ng sanggol. Nakakatulong din na madagdagan pa ang gestational length ng pagdadalang-tao.

5. Itlog ay isang masustansiyang pagkain para sa buntis

Itlog na may taglay ng protein, fat, vitamins at minetals. Mayroon din itong choline na mahalaga sa pagbubuntis at brain development ng sanggol. Upang makaiwas sa developmental abnormalities ang sanggol sa kaniyang utak o spine.

6. Maberdeng gulay ay lalong hindi bawal na pagkain para sa mga buntis

Mga maberdeng gulay tulad ng broccoli at spinach. Ang mga ito ay rich in fiber, vitamin C, vitamin K, vitamin A, calcium, iron, folate at potassium. Ang mga pagkain ng mga nabanggit ay natuklasan ng isang pag-aaral na nakakabawas ng tiyansa ng low birth weight sa mga sanggol.

pagkain na bawal sa buntis

Larawan mula sa iStock

7. Lean meat

Lean meat tulad ng beef, pork at chicken na good source ng protein, iron, choline and mga B vitamins. Basta dapat lang ay maayos naluto ang mga ito.

8. Berries

Ang mga berries tulad ng blueberries, raspberries, goji berries, strawberries, at acai berries na may healthy carbs, vitamin C, fiber, at antioxidants.

9. Whole grain

Whole grains tulad ng oats, quinoa, brown rice, wheat berries, at barley na packed ng fiber, vitamins, at plant compounds. Ang mga ito’y good source rin ng B vitamins, fiber, at magnesium.

10. Mga prutas ay lalong masustansiyang pagkain para sa buntis

Prutas tulad ng avocado na nagtataglay ng monounsaturated fatty acids. High in fiber din ito. Pati na B vitamins, vitamin K, potassium, copper, vitamin E, at vitamin C.

11. Tubig

Sapat na dami ng tubig para manatiling hydrated ang katawan. Sa ganitong paraan ay napapanatili ring hydrated ang iyong sanggol at maiiwasan ang tiyansa ng constipation at urinary tract infection habang nagdadalang-tao.

Tandaan mga mommies, ang pagkain ng mga masustansiyang pagkain para sa mga buntis na gaya mo at pag-iwas sa mga pagkain na bawal sa iyo ay isang stepping stone para sa healthy na pagbubuntis at pagpapalaki kay baby.

 

Karagdagang impormasyon isinulat ni Nathanielle Torre at Jobelle Macayan

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!