Pananakit ng sikmura habang buntis: Paano malulunasan?

lead image

Alamin kung ano ang sanhi, sintomas, at lunas para sa pangangasim ng tiyan ng nagdadalangtao.

Sinisikmura habang buntis? Alamin kung bakit nga ba nangyayari ito—at kung delikado ito.

Karaniwang angal ng mga nagbubuntis ang pananakit ng sikmura, o sa itaas na bahagi ng tiyan, sa ilalim ng gitnang bahagi ng dibdib. Heartburn ang tawag dito pero wala itong kinalaman sa puso.

Ano ang heartburn? At anu-ano pa ang mga sakit na karaniwang nararamdaman ng mga nagbubuntis na may kinalaman sa tiyan, kaya’t nakapag-aalala?

Sa tulong ni Dr. Jerry Villarante, MD, pathologist mula sa University of Santo Tomas College of Medicine, at doktor sa Pasig City General Hospital at Marikina Doctors Hospital, bibigyan ng paliwanag at sagot ang mga katanungan tungkol sa pregnancy discomfort na ito.

Heartburn o pananakit ng sikmura ang nangyayari kapag ang muscular valve sa pagitan ng tiyan at esophagus ay hindi napipigil ang acid mula sa tiyan na bumalik sa esophagus. Ang valve na ito ay tinatawag na lower esophageal sphincter (LES). Sa normal na pagtunaw ng pagkain, ang LES ang daanan ng pagkain mula sa esophagus papunta sa tiyan. Pagpasok ng pagkain, dapat ay magsasara ito para hindi makalabas ang stomach acids.

Heartburn ang madalas na tawag dito dahil para bang may mahapdi sa dibdib (o “burning feeling”) pababa sa may tiyan. At kung sinisikmura habang buntis, sadyang hindi komportable at nakakapag-alala dahil baka maapektuhan ang bata.

Bakit sinisikmura habang buntis?

Normal lang ang pananakit ng sikmura sa mga nagbubuntis, paliwanag ni Dr. Villarante. Kapag nagbubuntis, ang hormone na progesterone ay nagpapakalma ng LES, kaya’t hindi ito nagsasara nang maayos at nararapat. Kaya naman nagkakaron ng pananakit ng sikmura o heartburn, dahil nakakalabas ang stomach acids pabalik ng esophagus, at minsan pa nga ay ang pagkain na dapat ay tutunawin na ng tiyan. Ito ang sanhi ng mahapding pakiramdam sa sikmura.

Ayon sa librong Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy: From Doctors Who Are Parents, Too!, habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, sa ikalawa at ikatlong trimester, lumalaki ang uterus, kaya’t nagkakaro'n ng mas mariing pressure sa tiyan. Ito ang sanhi ng pagkatulak ng pagkain at acid pabalik ng esophagus.

Mas madalas maramdaman ng mga nagbubuntis ang heartburn o acid reflux, bagamat ang bawat babae ay iba ang maaaring maranasan. Hind lahat ng buntis ay nakakaranas ng heartburn o acid reflux. Depende ito sa pangkalahatang kalusugan, mga kinakain at iniinom, daily habits at kabuuang kalagayan habang nagbubuntis.

Ano ang gamot para sa sinisikmura habang buntis?

Hindi kasi basta-basta ang paggamot sa heartburn at acid reflux. Paano nga ba ito matitigil? At kung anuman ang gamot, ligtas kaya ito para kay baby?

Kapag nagbubuntis, ang lunas ng sinisikmura habang buntis ay nangangailangan ng masusing pagtingin sa kung ano ang pinakatugma sa kalagayan ni mommy. Trial and error kung tawagin ng iba. Narito ang mga subok nang paggamot. Tandaan lang na kung hindi nakakakita ng pagbabago sa nararamdaman, itigil ito at sumubok pa ng ibang lunas.

  1. Paunti-unti lang ang kain at pag-inom ng tubig, pero mas madalas. Ito rin ang payo ng mga OB GYN sa anumang digestive problem na nararanasan ng mga nagbubuntis. Dahil nga kasi lumalaki na ang tiyan, hirap ang digestive system na gumana ng maayos. Kung marami ang kain, mas mahirap makatunaw, kaya’t malamang ay sisikmurain. Iwasan din ang pag-inom habang kumakain; uminom ng tubig  pagkatapos o bago kumain.
  2. Nguyaing mabuti ang pagkain, at huwag magmadali. Mas madaling tunawin ng sistema kapag nanguyang mabuti ang pagkain.
  3. Iwasan din ang pagkain at inumin na suspetsa mo nang nakakapagsimula ng heartburn o acid reflux mo. Ayon kay Dr. Villarante, ang fatty foods, chocolate, pagkaing maanghang, pagkaing maasim, pagkaing hitik sa acid tulad ng citrus fruits at anumang pagkaing may kamatis o tomato sauce, pati na inuming carbonated at caffeine ay dapat iwasan.
  4. Nakakatulong ang pag-inom ng antacid 30 minuto bago kumain ng tanghalian o hapunan, kung sadyang madalas ang atake ng hyperacidity, payo ni Dr. Villarante. Itanong sa OB GYN kung anong antacid ang rekumendado niya para sa iyo.
  5. Chewing gum naman ang subukang nguyain pagkatapos kumain. Ang laway na nabubuo sa pagnguya ng gum ay makakatulong na sugpiuin ang anumang acid na bumabalik mula sa esophagus. Siguraduhing “sugarless”; hindi makakabuti ang sobrang tamis sa pagbubuntis.
  6. Iwasan ang pagkain (lalo kung mabigat tulad ng kanin o pasta) ilang oras bago matulog.
  7. Umupo o tumayo muna pagkakain, ng hanggang isang oras kung maaari. Maglakad-lakad sa loob o labas ng bahay para hindi ka mapilitang umupo. Ito ay nakakatulong sa digestion, kaya’t makakaiwas sa heartburn.
  8. Alamin sa iyong OB GYN ang dapat na timbang, para maiwasan ang labis na pagbigat. Kapag kasi bumibigat ang katawan (hindi lang ang tiyan), nakakadagdag sa discomfort.
  9. Magsuot ng maluwag na damit, at iwasan ang mga hapit masyado sa tiyan. Makakatulong ito na maging komportable ang pakiramdam.
  10. Matulog nang nakapaling sa kaliwang bahagi. Kapag kasi nakapaling sa kanan, mas mataas ang posisyon ng tiyan kaysa sa esophagus, kaya’t mas posible ang heartburn.
  11. Ang pagkain ng yoghurt at pag-inom ng gatas ay mabusang lunas din sa hyperacidity, lalo na kung nagsisimula pa lang na maramdaman ito.
  12. Subukan din ang chamomile tea na may honey, bagamat hindi maaaring madalas dahil hindi mabuti ang maraming tea sa buntis.
  13. “Sa mga diagnosed case ng ulcer, kumunsulta dapat sa OB GYN bago uminom ng anumang proton pump inhibitor, H2 blocker o antibiotics,” payo ni Dr. Villarante. “Pero as far as I know, okay naman ang mga anti-ulcer [medicine]. Delikado lang sa first trimester [ng pagbubuntis] kasi duon nabubuo ang mga organs ng fetus.”
    Ang H2 blockers ay tumutulong na matigil ang produksiyon ng acid at ang proton pump inhibitors ay para sa matinding kaso ng heartburn na hindi napipigil ng anumang treatment.
  14. May mga kaso na nasusuka pa ang nagbubuntis, kapag sinisikmura. “Makakatulong ang pagbabad ng maliit na piraso ng yelo sa bibig. Kung grabe na ang pagsusuka o may senyales ng pagdurugo sa sikmura, ikunsulta agad sa OB GYN,” payo ni Dr. Villarante.

May mga sumusubok ng alternative medicine tulad ng acupuncture at relaxation techniques, at yoga. Anuman ang gagawin, siguraduhing ikunsulta muna ito sa iyong OB  GYN.

BABALA: Mga gamot na dapat iwasan kapag sinisikmura habang buntis

  • Kapag nagbubuntis, hindi lahat ng uri ng antacid ay puwedeng inumin.
  • Iwasan ang antacids (at pagkain) na may mataas na lebel ng sodium, dahil sanhi ito ng build-up ng fluid sa mga tissues.
  • Ang mga antacids naman na may “aluminum hydroxide” o “aluminum carbonate” ay nagiging sanhi ng constipation o hirap sa pagdumi.
  • Huwag na huwag iinom ng mga medikasyon tulad ng Alka-Seltzer dahil ito ay may aspirin.

“Bakit parang hindi nawawala ang pananakit ng sikmura ko, bagkus ay lumalala pa yata ito?”

Ang mas malalang uri ng hyperacidity ay ang gastroesophageal acid reflux disease (GERD).

Kapag nakakaramdam ng mas madalas pang pananakit ng sikmura, at nagigising pa sa gabi dahil dito (nawala na kasi ang bisa ng antacid, halimbawa), at kung may iba pang mga sintomas tulad ng pag-ubo, hirap sa paglunok, mabilis na pagbagsak ng tumbang, o maitim na dumi (stools), maaaring may mas seryosong kondisyon na na dapat ikunsulta sa doktor.

Posibleng GERD na ang problema.

Mainam na mabigyan ito ng sapat na medical attention para hindi lubusang lumala at makaapekto sa sanggol. Ang OB GYN ang makakapagbigay ng tamang direksiyon at payo sa kung anong medikasyon at lunas ang makakabuti para sa mga sintomas, at para manatiling ligtas ang baby sa sinapupunan.

Sources: Department of Health (doh.gov.ph), Dr. Jerry Villarante, MD, pathologist, Pasig City General Hospital at Marikina Doctors Hospital, Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy: From Doctors Who Are Parents, Too! published by Mayo Clinic

Basahin: Pananakit ng puwit habang nagbubuntis, paano maiibsan?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!