Lahat ng nagbubuntis ay nangangailangan ng mas maraming tubig para manatiling hydrated. Pero, bawal ba sa buntis ang malamig na tubig? Gaano ito katotoo?
Nirerekumenda ng mga OB GYN na ang lahat ng nagbubuntis ay dapat uminom ng hanggang 12 baso ng tubig kada araw. At katulad ng napakaraming sinasabing bawal kapag buntis, isa na ang pag-inom ng malamig na tubig sa pinakamadalas na naririnig ng mga mommies-to-be.
Bawal ba sa buntis ang malamig na tubig?
Masama ba ang malamig na tubig sa buntis? Bawal ba sa buntis ang malamig na tubig? Ito ang isa sa laging tanong ng mga babaeng nagdadalang-tao, pero ano nga ba epekto ng pag inom ng malamig na tubig sa buntis? Nakakasama ba talaga ito sa ipinagbubuntis na sanggol?
Kuwento ni Daisy Pingol, special education teacher sa Dubai at may 4 na anak, pinaalala sa kaniya ng kaniyang nanay na huwag iinom ng malamig na tubig dahil nakakapagpatigas daw ito at nakakapagpalaki ng tiyan, na baka makasama sa bata.
‘Di kaya naman daw, lalamigin ang sanggol sa sinapupunan, kaya siya ay gagalaw ng madalas kaya’t mahihirapan ang ina.
Sa ibang bansa naman, mayroong isang myth o paniniwala na epekto ng pag-inom ng malamig na tubig sa buntis. Ito raw ay nagiging sanhi ng pagkakaro’n ng hika, pulmoniya at iba pang respiratory diseases, lalo na kapag madalas.
Mayroon ding nagsasabi na kapag uminom ng maraming malamig na tubig, lumiliit daw ang mga ugat sa ilong at lalamunan, dahilan ng hirap na pagdaloy ng dugo, kaya’t hirap ding manlaban sa sakit ang nagbubuntis.
Pwede bang uminom ng malamig na tubig ang buntis? | Image from Freepik
Malamig na tubig: bawal sa buntis?
Sa isang medical journal na isinulat ng Nigerian gynecologist sa Amerika na si Dr. Tinuola Ajayi, OB GYN, ang nagsasabing lahat ng hinuhang ito ay mali at walang basehan sa agham. Walang masamang epekto ng pag inom ng malamig na tubig sa buntis.
Nang ikunsulta ni Daisy sa kaniyang OB GYN, sinabi ni Dr. Hala na walang masama sa pag-inom ng malamig na tubig. Bagkus, binibigyan pa nga ng malamig na tubig ang mga nagbubuntis minsan para mapagalaw ang bata sa sinapupunan, o para malaman kung gising ito. Sa katunayan, kapag nagsimulang mag-labor ang ina, binibigyan pa ito ng yelo o ice chips para naman mamanhid.
Nagtanong ako sa mga mommies na kapapanganak lang: Masama ba ang malamig na tubig sa buntis? Lahat ay iisa ang sagot: hindi nakasasama ang pag-inom ng malamig na tubig kapag buntis. Ang mahalaga ay malinis ang tubig at hindi direktang galing sa gripo.
Bawal ba sa buntis ang malamig na tubig?
Ayon sa librong Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy ng Mayo Clinic at inedit ni Roger Harms, ang mga buntis na mommies ay kailangan ng maraming tubig.
Ito ay para maiwasan ang panganib ng deep venous thrombosis o blood clot sa binti. Kapag nakakaramdam ang nanay na hindi gumagalaw ang bata, pinapainom din siya ng malamig na tubig para mapagalaw ito, kung ito ay wala sa panganib.
Anumang temperature ng pagkain o inumin, pagdaloy nito papunta sa tiyan at bituka. Pumapareho na ito sa body temperature, ayon pa sa libro ng Mayo Clinic. Kaya wala itong magiging masamang epekto sa nanay o sa bata.
Pwede bang uminom ng malamig na tubig ang buntis? | Image from Freepik
Tandaan din na ang tubig na iniinom ay napupunta sa bituka sa tiyan, at hindi napupunta sa uterus. Anumang tubig, oxygen at sustansiya na pumapasok sa nanay ay naipapasa sa pamamagitan ng dugo sa dugo, sa placenta.
Ang dapat lang iwasan ay ang malamig na carbonated drinks at inuming may caffeine. Dahil ito ay karaniwang nakaka-trigger ng heartburn at minsan pa ay pagkalaglag ng bata.
Epekto ng pag inom ng malamig na tubis sa buntis: Walang dapat ikabahala ang mga mommies pagdating sa pag-inom ng tubig.
Dagdag ni Daisy, regular siyang umiinom ng malamig na tubig kahit nung buntis siya. Dahil nakatira siya sa Dubai kung saan sobrang init ang panahon. Ang anak niyang si Jacob Yousef ay 2 taong gulang na ngayon, malusog at masayahin.
Kung may pag-aagam-agam, o ‘di kaya ay kung ayaw na mag-alala ang mga nakatatanda na nagbabawal sa iyo, mag-hinay hinay na lang sa pag-inom ng malamig na tubig.
Pwede bang uminom ng malamig na tubig ang mga pregnant moms? | Image from Freepik
At kung may pangamba pa rin, huwag mag-alinlangan na tanungin ang iyong OB GYN. Kung pwede bang uminom ng malamig na tubig ang buntis mas lalo na kung may iba pang karamdaman.
Epekto ng pag inom ng malamig na tubig sa buntis: nagdudulot ba ng stomach pain?
Ayon sa pananaliksik, ang malamig na tubig ay hindi ang dahilan sa likod ng pananakit ng tiyan sa panahon ng pagbubuntis. Sa katunayan ang malamig na tubig ay nakakatulong upang mapawi ang pangangati at kaasiman at iba pang mga problema sa hindi pagkatunaw ng pagkain.
Ngunit tandaan, ang sobrang malamig na tubig ay makakasama sa isang buntis. Kailangan mo ring pangalagaan ang kalusugan ng iyong sanggol at iwasan ang pag-inom ng sobrang malamig na tubig. Kung umiinom ka ng normal na malamig na tubig, ito ay magiging kapaki-pakinabang para sa iyo.
Nakakataba ba ang malamig na tubig?
Puwede bang uminom ng malamig na tubig ang mga pregnant moms? Hindi ba ito nakakataba?
Ang sagot dito ay hindi. Hindi nakakataba ang malamig na tubig.
Kapag umiinom ng malamig na tubig ang isang buntis, ang kanyang katawan ay kusang naglalabas ng extra calorie pra mapainit ang malamig na tubig na swak sa body temperature mo.
Bakit gumagalaw ang bata kapag umiinom ng malamig na tubig ang ina
Ayon sa pananaliksik, napakahalaga na mapanatili ang antas ng tubig sa katawan sa panahon ng pagbubuntis. Ang malamig na tubig ay hindi nauugnay sa paggalaw ng isang sanggol sa pagbubuntis. Ang ilang mga kababaihan ay nakakaranas ng paggalaw dahil ang temperatura ng tiyan ay mainit o mainit sa panahon ng pagbubuntis.
Kapag ang malamig na tubig ay pumasok sa tiyan, ito ay gumagawa ng kakaibang paligid sa loob ng tiyan. Sa ganitong paraan, ito ay gumagawa ng pagkakaiba-iba sa sinapupunan at ang sanggol ay nagsisimulang gumalaw sa loob ng katawan.
Ang sobrang malamig na tubig ay maaaring makasama sa buntis dahil ito ang maaaring maging dahilan ng pamamaga at iba pang problema sa kalusugan. Kaya, mahalagang alagaan ang iyong sanggol at gumamit lamang ng mga masusustansyang pagkain kasama ng normal na malamig na tubig.
Bawal ba sa buntis ang malamig na pagkain?
Maliban sa malamig na tubig, hindi rin daw nakakabuti sa buntis ang pagkain ng malamig na pagkain. Dahil tulad ng paniniwala sa malamig na tubig ay sinasabing ang pagkain ng malamig ng buntis ay nakakapagpalaki ng kaniyang sanggol. Dahilan para siya ay mahirapan sa panganganak. Pero ayon sa mga health experts ay hindi ito totoo. Sa katunayan, ang drinks at pagkain na malamig ay natutulungan pa nga ang buntis. Sa tulong ng mga ito ay maaring maibsan ang buntis ang nausea o morning sickness na kaniyang nararanasan.
Nagiging posible ito sapagkat ang mga mainit na pagkain ay may mas matatamang na aroma o amoy. Ito ay nagtritrigger sa gag reflex ng babaeng buntis na maaring makapagpaduwal sa kaniya. Hindi tulad ng mga cold drinks and foods na hindi masyadong matatapang ang amoy at hindi nakakapagpaduwal sa buntis.
Cold food na safe sa buntis
Ang mga yummy options nga ng buntis sa mga cold foods na maari niyang kainin ay ang sorbet, yogurt, popsicles, chilled na prutas at ice cream. Ligtas rin na kumain ng mga cold, pre-packed meats ang buntis tulad ng ham at corned beef. Huwag lang ang mga cold raw cured meat tulad ng parma ham, chorizo, pepperoni at salami. Dahil ang mga cured meats na hindi naluto ay maaring nagtataglay ng parasites na maaring magdulot ng toxoplasmosis. Para maiwasan ito ng buntis ay puwedeng i-freeze niya muna ng 4 na araw ang cured meat bago i-defrost at kainin. O kaya naman ay lutuin ito at saka kainin tulad ng pagpapalagay ng pepperoni sa pizza.
Nakakalaki ba talaga ng baby ang pagkain o pag-inom ng malamig?
Kapag nagbubuntis ang isang babae ay mas umiinit ang kaniyang katawan. Ito ay dahil sa mataas na increase ng hormone production na nagbibigay ng mainit na pakiramdam sa babaeng nagdadalang-tao. Ito ang nagtutulak para mahilig ang buntis sa malamig na inumin o pagkain. Paniniwala ng matatanda, ang pagkain ng malamig na pagkain madalas ay nakakapagpalaki ng fetus. Pero paliwanag ng mga eksperto, hindi ito totoo. Walang kaugnayan ang pagkain o pag-inom ng malamig sa magiging size ng sanggol. Bagamat ito ay magbibigay ng mas pagod na pakiramdam sa buntis. Dahil para mai-adjust ito sa temperatura ng katawan ay kailangan ng combustion na kailangang trabahuin ng katawan.
Hindi ang malamig pero ang matatamis..
Dagdag pang paliwanag ng mga eksperto, hindi ang malamig na pagkain o inumin ang nakakapagpalaki sa sanggol. Ito ay labis na sugar o tamis ng malamig na tubig o inumin. Tulad ng high-calorie ice cream o mga milk teas na may mataas na sugar content. Ito ang nakakapaglaki sa sanggol at babaeng buntis at maaring magdulot pa ng diabetes kung masosobrahan. Kaya naman hindi dapat ang malamig na pagkain o inumin ang iwasan. Basta’t ito ay healthy gaya ng mga chilled na prutas ay wala itong problema. Puwede rin naman ang mga pagkaing matatamis at malamig tulad ng ice cream basta hindi lang sosobra.
Karagdagang impormasyon mula kay Margaux Dolores and Irish Mae Manlapaz.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!