Hindi lahat ng nakatawa ay totoong masaya, mayroong ilan na may kinikimkim na karamdaman tulad ng anxiety at depression. Ang anxiety depression in tagalog ay ang labis na pagkabalisa at depresyon o matinding kalungkutan na maaaring danasin ng isang tao. Alamin dito ang mga sintomas ng anxiety sa babae at lalaki pati na rin ang sintomas ng depression.
Sintomas ng anxiety sa babae man o lalaki
Kapag ang isang tao ay laging nakasimangot o hindi palatawa, o gusto laging mapag-isa, mabilis sabihin ng iba na may depression siya. Subalit ang totoo, hindi naman lahat ng taong gustong mapag-isa ay may depression. Baka naman gusto lang nila ng tahimik o sila ay tinatawag na introverts.
Gayundin, hindi naman lahat ng taong masayahin at maingay ay totoong masaya. Katunayan, mayroon ngang mga komedyante at kilalang tao sa Hollywood na kinitil ang sarili nilang buhay dahil sa anxiety at depression, in tagalog ay pagkabalisa at depresyon. Hindi sukat akalain ng mga tao sa paligid nila na mayroon sila ng sakit na ito.
Ano ang depression at anxiety?
Ang depression o major depressive disorder na nakakaapekto sa pag-iisip at pagkilos ng isang tao. Kadalasan itong inilalarawan ng matindi at hindi maipaliwanag na kalungkutan, o pagkawala ng interes sa mga bagay at sa kaniyang dating buhay.
Bagamat laging ginagamit para ilarawan ang mga taong malungkutin, ang depression ay isang seryosong kondisyon na kapag naranasan ng isang indibidwal ay kailangang bigyang pansin at lunas.
Samantala, ang anxiety naman ay ang labis na pagkabalisa o pakiramdam ng kaba o takot. Normal itong reaksyon ng isipan sa stress at sa ano mang potential danger.
Lahat ng tao ay posibleng makaranas ng anxiety subalit mayroon ding tinatawag na anxiety disorder. Kaiba ito sa normal na anxiety na puwedeng danasin ng sinoman.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Daniel Reche
Ang anxiety disorder ay nagdudulot ng matinding pagkabalisa hanggang sa punto na naaapektuhan na ang pagiging functional ng isang tao. Nakaapekto ito sa paggawa ng trabaho, sa pagiging aktibo sa paaralan, o kung minsan ay iiwasan ang pakikisalamuha sa mga tao.
Ang anxiety disorder ay grupo ng mental illnesses na nagdudulot ng constant o paulit-uit na anxiety at takot na nakaka-overwhelm. Tulad ng depression, mahalaga ring bigyang pansin at lunas ang anxiety disorder.
Sa madaling sabi, ang anxiety depression in tagalog ay pagkabalisa at labis na kalungkutan ay kapwa mahalagang malapatan ng tamang paggamot upang hindi makaapekto sa isang tao.
Mga posibleng sanhi ng depresyon
Komplikado ang sakit na depresyon. Una, walang nakakaalam kung ano ang eksaktong sanhi nito. Pero maaaring mga dahilan – pisikal o sa kapaligiran, ang maaaring mag-contribute sa pagkakaroon ng isang tao ng sakit na ito.
Ayon sa WebMD, narito ang ilan sa mga posibleng sanhi o maaring may kinalaman sa pagkakaroon ng depression:
Ang mga biktima ng pisikal, sekswal o emosyonal na pang-aabuso ay maaring magkaroon ng ilang mood disorders, at isa na rito ang depression.
Ang mga matatanda ay mas at risk sa depression. Maaari pa itong mapatindi ng pagiging mag-isa at kawalan ng makakausap o makakasama. Subalit mayroon din namang mga bata na maaring makaranas ng depression bunga ng post-traumatic stress disorder.
May mga gamot tulad ng isotretinoin, ang antiviral drug na interferon at mga corticosteroids ang nagpapataas ng posibilidad ng depression para sa mga umiinom nito.
-
Pagkamatay o pag-alis ng isang mahal sa buhay
Ang pagiging malungkot kasunod ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay ay normal, pero maaari itong magtaas ng risk ng depression. Gayundin sa mga taong nakikipaghiwalay sa kanilang mga asawa o long-time partners.
Ayon sa mga pag-aaral, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng depression ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Marahil ay mayroon itong kinalaman sa hormones. Isa itong posibleng dahilan kung bakit nagkakaroon ng postpartum depression ang mga babaeng bagong-panganak.
Kung mayroon kang kapamilya na nagkaroon ng depression, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ka rin nito.
Gaya ng nabanggit, ang malulungkot na pangyayari tulad ng kamatayan o hiwalayan ay maaring magdulot ng depression. Pero kahit mga masasayang events gaya ng pagkakaroon ng bagong trabaho, pagtatapos sa pag-aaral at pagpapakasal ay posible ring mag-trigger nito para sa ibang tao.
parte ng buhay ang magkaroon ng problema. Subalit kung ito ay nagdudulot ng social isolation o pagiging mag-isa ng isang tao, maari itong maging dahilan para magkaroon siya ng depression.
Minsan naman, ang depression ay posibleng epekto ng isang malubhang sakit.
-
Pang-abuso sa droga o alak
30 porsyento ng mga taong may substance abuse problems ay nada-diagnose din ng clinical depression. Maaaring gumagaan ang iyong pakiramdam kapag gumagamit ka ng ipinagbabawal na gamot o umiinom ng alak, subalit panandalian lang ang epekto nito at mas makakaramdam ng kalungkutan kapag nawala na ang “tama.”
Photo from Unsplash
Ano ang depression para sa isang ina
Minsan, ginagamit natin ang salitang ‘depression’ kapag hindi umaayon sa atin ang tadhana o kapag nagkakaroon tayo ng hindi magandang araw. Pero para sa mga taong talagang may depression o depressive disorder, isa itong kondisyon na hindi kayang ilarawan basta basta ng mga salita.
Kung tatanungin mo ako kung ano ba ang isang desisyong hindi ko pagsisisihan, ito ay nang matanggap ko na may sakit akong ganito. At noong magpakonsulta ako sa isang psychiatrist.
Mahirap ipaliwanag sa mga tao kung ano ang nararamdaman ko. Lalo na dahil ako ay isang ina, struggle para sa akin ito. Araw-araw pinipilit kong lumaban para na rin sa aking anak. Hindi mo maiintindihan ang depression hangga’t hindi mo ito nararanasan dahil hindi lang ito basta kalungkutan.
Ang depression ay nasa iyong loob at ang pakiramdam nito ay parang tuluyan kang nagiging mahina. Maaari ka ring makaranas ng pagkababa o pagkawala ng interes sa buhay.
Pero alam kong hindi ako mahina. Naniniwala akong malakas ako, kaya naman pinili kong labanan ito araw-araw.
Larawan mula sa Shutterstock
Ang taong depressed ay madalas na makaranas ng negatibong pakiramdam sa kanyang sarili. Kaya naman hindi dapat ipagwalang bahala ang sintomas ng depression at dapat itong bantayan
Mga sintomas ng depression
Ano ang sintomas ng depression? Mahalagang malaman kung ano ang sintomas ng depresyon sa babae man o lalaki. Ganoon din ang sintomas ng depresyon sa kabataan at sa mga inang katulad ko.
Ano ang sintomas ng depression?
Dahil ito ay isang clinical mood disorder, karaniwang naiuugnay ang depression sa pag-iisip ang damdamin ng isang tao. Maraming iba’t ibang sintomas ang depression na mahalagang mabantayan.
Narito ang mga sintomas ng depresyon sa babae man o lalaki, kabataan o hindi. Sino man ay maaaring makaranas ng mga sintomas na ito.
Emotional Symptoms
Narito ang ilang sintomas ng depression na maaaring makita sa emosyon at nararamdaman ng isang tao:
- Pagkawala ng interes sa lahat ng bagay
- Ninenerbyos
- Madaling mairita o magalit
- Hirap magkapag-focus
- Nawawalan ng pag-asa
- Pag-iisip ng mga negatibong bagay
- Nagiging sensitibo sa kritisismo
- Mababang self-esteem
- Gustong laging mapag-isa
- Pagkakaroon ng suicidal thoughts
Physical Symptoms
Mas madalas na iugnay ang sakit na ito sa mga emosyonal at social na sintomas, pero ang depresyon ay nakakaapekto rin sa pangangatawan ng isang tao.
Ito’y dahil kapag hindi maganda ang mood nila o nakakaranas sila ng matinding kalungkutan, hindi nila naaalagaan ang kanilang sarili kaya nagkakaroon sila nga mga pisikal na karamdaman.
Bantayan ang ilang mga sintomas na ito:
- Pananamlay o pagkakaroon ng mababang energy levels
- Madalas na pananakit ng katawan
- Pananakit ng ulo
- Paglabo ng paningin
- Digestive problems gaya ng pananakit ng tiyan, constipation, pagtatae o pagsusuka
- Pagbabago sa pagtulog – hindi makatulog o laging tulog
- Hirap sa paghinga
- Pagbabago sa appetite – maaring walang gana o nag-oovereat
- Biglang pagbaba o pagtaas ng timbang
Sintomas ng depresyon sa kabataan
Mapapansin na sa pisikal na sintomas ng depression, inilalarawan ito ng mga pagbabago sa nakasanayan ng katawan. Nagiging kulang o sobra sa isang aspekto tulad ng pagkain o pagtulog.
Kapag napansin ang malaki at biglaang pagbabago sa iyong anak, kapamilya o kaibigan, maaring senyales ito na mayroon siyang pinagdadaanan.
Gayundin, kapag nakakaramdam kasi ng matinding emosyon ang isang tao tulad ng nerbyos, galit o kalungkutan, maaaring mag-manifest ang mga negatibong damdamin na ito sa ating katawan kaya tayo nagkakasakit.
Photo from Unsplash
Ano ang nakatulong sa akin labanan ang depression?
Noong una, hindi ko matanggap na may depression ako. Hindi ko rin ito ibinabahagi sa iba kahit na sa aking mga pinakamalapit na kaibigan. Bakit? Hindi ko rin talaga alam. Ang iniisip ko kasi, hindi ko magawang ipagsabi itong nararamdaman ko dahil alam kong may kanya-kanya rin silang mga problema.
Pero sa totoo lang, kailangan kong ilabas itong nararamdaman ko para mabawasan ang bigat sa dibdib ko. Ang kailangan ko lang ay yung taong makikinig sa akin kahit na hindi ako lubusang maiintindihan.
Sabi sa akin ng psychiatrist ko na mahirap kilalanin o tulungan ang isang taong may depression. Dahil mahirap din para sa mga taong ito na makapag-open up ng kanilang mga problema.
Nagsimula akong mag open up sa aking kaibigan nang tanungin niya ako kung may gumugulo raw ba sa isipan ko at kung ano ang pwede niyang maitulong.
Sa una, hindi ko talagang magawang makapagsalita pero hindi niya ako pinilit at binigyan niya ako ng panahon hanggang sa naging handa na akong ibahagi ang aking mga problema.
10 na paraan para tulungan ang taong may depression
Base sa aking mga karanasan at sa tulong ng aking psychiatrist, ito ang sampung paraan upang matulungan ang isang taong may depression:
- Huwag mo silang pipilitin na magbahagi agad ng kanilang problema.
- Bigyan ng oras ang taong ito na maging handa para makapagbahagi.
- Kung sa tingin mo ay ready na siya, ipakita ang iyong suporta at pag-unawa sa kanya.
- Kung gusto mo siyang damayan, magsimula ka sa maliliit na bagay. Maaari kang magsend ng mga text message na makakapag-lift up sa kanya. Pwede mo ring ipaalala sa kanya na nandyan ka lang kung kailangan niya ng karamay o kausap.
- Iwasan mong punahin ang mga bagay na sasabihin niya.
Huwag kang matakot na humingi ng payo o tulong
- Iwasan ang pagbibigay ng payo sa taong ito. Maaari kasi siyang makaramdam ng insulto at baka hindi na ulit siya makapag-share sa’yo. Makinig ka lang. ‘Yun ang mas kailangan niya.
- Iwasan ang paghahambing sa kanya. Kahit na nakaranas ka na rin ng ganitong sitwasyon, iwasan pa rin ang paghahambing ng iyong karanasan sa kanya.
- Bago mo kausapin o tulungan ang taong may depression, mas magandang aralin muna kung ano ba ito. Dahil may mga bagay na hindi ka pa alam o lubusang naiintindihan tungkol sa sakit na ito.
- Be patient. Ito ang mahalagang susi para matulungan sila.
- Higit sa lahat, ‘wag mong pipilitin ang isang taong may depression na pumunta sa isang psychiatrist. Kailangan mo siyang intindihin at bigyan ng oras. Kung sa tingin mo naman ay lumalala na ang kaniyang kondisyon, mabuting kausapin ito at i-encourage lamang na magpatingin na sa doktor.
Tandaan, walang mukha ang depresyon. Iba-iba ang mga senyales nito sa bawat tao. Mas mabuti kung magiging mas aware tayo sa mga posibleng sintomas nito para matulungan natin ang ating kapamilya o kaibigan na may depression at maagapan ang mga epekto nito.
Kung ikaw naman ay nakakaramdam ng mga sintomas ng depression, huwag mahiya na humingi ng tulong. Makipag-ugnayan sa isang psychiatrist o clinical psychologist.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Sofia Alejandria
Sintomas ng anxiety sa babae man o lalaki
Iba’t ibang uri ng anxiety disorder
Bukod sa mga sintomas ng depression, mahalaga rin na malaman ang iba’t ibang uri ng anxiety disorder.
Narito ang ilan sa mga uri ng anxiety disorder ayon sa WebMD:
Nagdudulot ito ng pakiramdam na matinding takot na sanhi ng panic attack. Kapag inatake ng panic ang isang taong may panic disorder, maaari itong makaranas na pagpawisan ng malamig, sumikip ang dibdib, matinding palpitations o mabilis na pagtibok ng puso. May mga pagkakataon pa na maaaring makaramdam na tila nabubulunan o tila aatakihin sa puso.
Social anxiety disorder
Ito ang uri ng anxiety disorder kung saan nakararamdam ng overwhelming na pagkabalisa at self-consciousness ang isang tao tuwing nahaharap sa social situations o kapag nasa isang sitwasyon kung saan kailangan niyang makisalamuha sa ibang tao.
May matinding pangamba na baka hinuhusgahan ka ng ibang tao o kaya naman ay nakararamdam ng labis na hiya. Tinatawag din itong social phobia.
May tinatawag ding selective mutism. Uri ito ng social anxiety kung saan ang isang batang normal na nakikipag-usap kapag nasa bahay ay hirap o hindi makapagsalita sa publiko tulad ng school.
Generalized anxiety disorder
Uri ito ng anxiety disorder kung saan ay nakararanas ang isang tao ng labis na pag-aalala, pagkabalisa, at tensyon nang walang specific na dahilan.
Agoraphobia
Ito naman ang uri ng anxiety disorder kung saan nakadarama ng intense na takot ang isang tao kapag nasa isang lugar siya kung saan mahirap umalis kung sakaling magkaroon ng emergency situation. Kadalasan itong nararamdaman sa eroplano, public transportation, o kapag nakapila sa mahahabang pila.
Hindi lang mga bata kundi lahat ng tao ay maaaring makaranas ng separation anxiety. Uri ito ng anxiety disorder kung saan nakararamdam ng pagkabalisa at takot ang isang tao kapag nawalay siya o nawala sa paningin niya ang isang taong malapit sa kaniya o minamahal niya.
Ito rin ang uri ng anxiety na dahilan ng labis na pag-aalala kapag malayo sa mga taong mahal ang isang taong may ganitong karamdaman.
Medication-induced anxiety disorder
Posible ring makatrigger ng sintomas ng anxiety disorder ang paggamit ng ilang medication o ng ipinagbabawal na gamot. Pati na rin ang biglaang pagtigil o withdrawal sa mga ito.
Sintomas ng anxiety sa babae at lalaki
Dahil mayroong iba’t ibang uri ng anxiety disorder, iba’t iba rin ang maaaring sintomas ng anxiety sa babae man o sa lalaki.
Sintomas ng anxiety sa babae o lalaki
Walang pinipiling kasarian ang anxiety. Sino man, babae man o lalaki, o myembro ng LGBTQIA ay posibleng makaranas ng sakit na ito. Kaya naman hindi dapat balewalain ang ano mang sintomas. Narito ang ilan sa mga posibleng maranasan kung ikaw ay may anxiety.
- Pakiramdam na ninenerbyos o tensyunado
- Pagpa-panic o pakiramdam na mayroong mangyayaring hindi maganda
- Pagbilis ng tibok ng puso
- Hyperventilation o mabilis na paghinga
- Pagpapawis
- Panginginig ng katawan
- Panghihina at pagkapagod
- Hirap na mag-concentrate
- Labis na pag-aalala
- Hirap sa pagtulog
- Pagkakaroon ng gastrointestinal problems
Ilan lamang ang mga ito sa mga sintomas ng anxiety sa babae man o lalaki. Kaya naman, kung sa palagay mo ikaw ay mayroong anxiety at depression, mahalagang kumonsulta sa iyong doktor para malaman kung ano ang angkop na lunas sa iyong kalagayan.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Jobelle Macayan
If you want to read the English version of this article, click here.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!