Anemia: Sanhi, sintomas, at gamot para sa sakit na ito

lead image

Anemic ka ba? Alamin ang mga ng sintomas ng anemia, mga pagkain na mayaman sa iron, gamot sa low blood, at iba pang impormasyon tungkol sa sakit na ito.

Pamumutla at panghihina ang unang sintomas ng anemia. Alam mo bang maaaring warning sign ito ng mas malubhang karamdaman?

Walang pinipili ang anemia—bata man o matanda, kapag tumigil ang pagdami ng malusog na red blood cells o hemoglobin ang katawan, maaaring magkaron ng sakit na ito. Narito ang FAQs o pinakakaraniwang katanungan tungkol sa kondisyong ito na dapat maagapan nang maaga para maiwasan na maging malubha.

Ano ang anemia?

Ito ay isang karaniwang blood condition, kung saan natitigil ang pag-prodyus ng hemoglobin o red blood cells and bone marrow, o di kaya ay “abnormally low” ang produksiyon nito, paliwanag ni Dr. Carlo Palarca, MD, isang internist.

May tatlong uri ng blood cells: white blood cells para labanan ang anumang impeksiyon, platelets para tumulong labanan ang blood clot, at red blood cells para dalhin ang oxygen sa buong katawan. Kapag kaunti o wala nang hemoglobin, walang makukuhang oxygen ang mga cells ng katawan, kaya’t manghihina ito.

Mayron ding 3 sanhi ng anemia: blood loss, pagtigil ng red blood cell production, at ang mabilis na pagkasira ng red blood cells.

Maraming uri ng anemia, at ang bawat isa ay may partikular na sanhi. Ang iron deficiency anemia ang pinakakaraniwang uri. Ang vitamin deficiency anemia naman ay ang kakulangan sa iron, pati na rin folate at vitamin B-12, para makapag-prodyus ng sapat na red blood cells. Kapag kulang sa mga nutrients na ito ang katawan, maaaring humina ang red blood cell production.

Ayon sa Medical News Today, may mga kaso naman kung saan ang katawan ay hindi kayang i-proseso ang bitamina, kahit na kumukunsumo pa ng sapat na B-12, kaya’t nagkakaron pa din ng vitamin deficiency anemia, o ang tinatawag na pernicious anemia.

Tanging ang doktor lang ang makakapagbigay ng diagnosis ng anemia sa pamamagitan ng physical exam at blood tests.

May panganib nga ba na magkaro'n ng anemia ang buntis?

Kapag nagbubuntis, kailangan ng iron supplement para makatulong na magkaron ng sapat na red blood cells, at maiwasan ang anemia. Nangyayari din ang iron deficiency kapag nakakaranas palagi ng heavy menstrual bleeding, ulcer, cancer at madalas na paggamit ng over-the-counter pain relievers, lalo na ang aspirin.

Ano ang pangunahing sintomas ng anemia?

Dahil nga mababa ang bilang ng red blood cells, mapapansin kaagad ang pamumutla, at sunod ay ang labis na panghihina dahil hindi maaayos ang mga organs ng katawan.

Iba-iba rin ang mga sintomas ng anemia, depende kasi sa uri ng anemia. Karaniwang mabigat ang pakiramdam, giniginaw, nahihilo, at iritable, hirap huminga at masakit ang ulo palagi. Kapag pinakinggan ang heartbeat, maririnig na irregular ito, at madalas din ay naninikip ang dibdib. May mga nakakaramdam ng madalas na panlalamig ng mga kamay at mga paa.

Habang lumalala ang kondisyon, mas marami ang mararamdamang sintomas at mas madalas din ito.

Ang mga kababaihang nagbubuntis ay “susceptible” sa iron-deficiency anemia dahil na rin sa increased blood supply demands habang nagbubuntis.

May mga uri nga ba ang anemia na nakamamatay?

Oo. Ang anemia of chronic disease ay dala ng iba pang mas malubhang karamdaman tulad ng cancer, HIV/AIDS, rheumatoid arthritis, kidney disease, Crohn's disease at iba pang chronic inflammatory diseases.
Ang aplastic anemia naman ay isang uri ng life-threatening anemia na sanhi ng hindi sapat na pag-prodyus ng red blood cells ng katawan, impeksiyon, autoimmune diseases at exposure sa mga toxic chemicals.

Mayron ding sanhi ng kondisyon ng bone marrow tulad ng leukemia at myelofibrosis na nakakaapekto sa blood production ng bone marrow.

Namamana ba ito?

Oo, literal na “nasa dugo” ang kondisyong ito, at may mga uri ng anemia na hereditary, mula pagkapanganak o pagkabata pa lang.

May mga bata o matandan na nagkakaron ng anemia dahil sa hindi pagkain ng sapat na masustansiyang pagkain, o di kaya ay may iba pang kondisyon na maaaring maging sanhi ng anemia.

Ano ang mga gamot para sa anemia?

Ang paggamot ay depende sa kung anong uri ng anemia ang nararamdaman ng pasyente. Una na rito ang pagbabago ng mga kinakain, para masigurong mayaman sa iron at folate at iyong diet.

May mga nakukuha sa mga gamot at supplements, pero madalas din ay nangangailangan ng medical procedures, paliwanag ni Dr. Palarca.

Kung ang anemia ay sanhi ng isang chronic disease, may angkop na paggamot para sa uri ng karamdaman o kondisyon. Kung ito ay aplastic anemia, halimbawa, maaaring irekumenda ng doktor na kumunsulta sa hematologist para sa isang bone marrow biopsy para malaman kung ano ang sanhi ng anemia. May medikasyon at blood transfusions para magamot ang aplastic anemia.

Ano ang kailangang kainin para labanan ang anemia? May vitamins ba para dito?

Kailangan ng katawan ng iron, vitamin B-12, folate at iba pang nutrients, at makukuha ito sa piling pagkain at supplements. Nalalabanan at nasasangga ang pagkakaron ng ilang uri ng anemia sa pamamagitan ng pagkain ng masustansiya, lalo na kung mayaman sa iron.

Narito ang mga pagkaing mayaman sa iron:

  • Berdeng gulay. Masustansiya namang talaga ang mga berdeng gulay, lalo na kung dark green ito, tulad ng spinach, kale, Swiss chard at collard greens na mayaman sa folate.
  • Citrus fruits, beans, at whole grains ay mayaman din sa folate.
  • Pagkaing may Vitamin C. Kung isasabay ang pagkain ng berdeng gulay sa pagkaing may vitamin C tulad ng oranges, red pepper, at strawberries, mas magiging epektibo ang iron absorption.
  • Karne. Lahat ng meat at poultry ay may heme iron. Ang red meat at lamb ay pinakamainam na source ng iron. Bagamat hindi gaanong kahitik ang poultry at manok, mabuting sanhi pa rin ito ng iron, lalo na kung kasabay sa pagkain ng berdeng gulay.
  • Atay. Ito ang pinakakilalang pagkain na mayaman sa iron at folate, kasama na ang iba pang “organ-meat” tulad ng puso, kidney, at dila ng baka.
  • Seafood. Anumang shellfish tulad ng oysters, clams, at hipon ay mayaman sa iron. Dagdag pa dito ang mga uri ng isda tulad ng sardinas at tuna, de lata man o sariwa, salmon, halibut, at perch.
    Tandaan na ang mga pagkaing mayaman sa calcium tulad ng delatang salmon, gatas, yoghurt, atbp., ay hindi dapat na sinasabay sa pagkain ng iron. Nakahahadlang ito sa absorption ng iron sa katawan.
  • Beans. Kung vegetarian at hindi makakakuha ng iron sa karne, beans ang alternatibo, bagamat rekumendado pa rin ito kahit hindi vegetarian. Nariyan ang kidney beans, chickpeas, soybeans, black-eyed peas, pinto beans, black beans, peas, at lima beans.
  • Nuts at seeds. Nariyan ang pumpkin seeds, kasuy, pistachios, hemp seeds, pine nuts, at sunflower seeds.
  • Mga pagkain fortified with iron, tulad ng fortified orange juice, cereals, white bread, pasta, pagkaing galing sa cornmeal, at white rice.

Ayon sa mga doktor, nangangailangan ng mula 150 hanggang 200 milligrams ng iron sa araw-araw. Sa umpisa pa lang na malamang may anemia, kailangang matugunan kaagad ang iron deficiency para malabanan ito at mabawi ang reduced red blood cells.

Walang iisang pagkain na mayaman sa iron ang makakagamot sa anemia. Siguraduhing makakain ng lahat ng uri ng pagkain para lubos ang paggaling.

 

Basahin: Anemia during Pregnancy

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!